Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
AMINADO ang kilalang international model, singer, producer, businessman, at pilantropo na si Marc Cubales na masaya siya ngayon na cool at chill lang ang buhay niya kahit maraming pinagkakaabalahang business.
“Happy naman ako na right now ay unti-unting nagbubunga yung mga pagsisikap ko at nagagawa ko yung mga pangarap ko na hindi nang-aapak ng ibang tao.
“Masaya ako na recently sunud-sunod ang awards na natatangap ko bilang artist model at philanthropist, kahit sa negosyo nare-recognize na rin ang hard work ko. Recently binigyan ako ng award sa Viral Awards na ginawa sa Okada Hotel at tumanggap din ng award bilang Empowered Men Of The Year na ginaganap naman sa Teatrino.
“Minsan nga nakakasungkit pa ng Best Male Dress na nakaka- inspired pa lalo,” nakangiting wika ni Marc.
Ayon pa kay Marc, target niyang maging isang movie director someday. Pero sa ngayon, nakatutok muna siya sa alfresco restaurant business niya at ipinatatayong resort. Plus, sa pagdedevelop ng property sa Thailand.
Si Marc din ang producer ng kaabang-abang na pelikulang Finding Daddy Blake na sa ngayon ay nasa editing stage na.
Incidentally, swak na swak siya sa benefit show na Covid Out, Ate Gay In na tinatampukan ng talented at super-kuwelang komedyanteng si Ate Gay.
Ang show ay mula sa TEAM (The Entertainment Arts & Media) at pamamahalaan ni Direk Obette Serrano. Ito ay gaganapin this Thursday, April 28, 8pm sa Music Box Timog, Quezon City at ang baneficiary ay ang GRACES – Home for the Aged.
Saad ng guwapitong si Marc, “Masaya ako na maging part ng mga ganitong show tito Nonie, kasi iba pa rin na ang project mo ay may beneficiary at may halong pagtulong.”
Ano ba ang pakiramdam ng isang Marc Cubales kapag nakatutulong sa kapwa?
“Nakakabusog at masaya sa pakiramdam, it has always been my goal na sana sa lahat ng gagawin ko lalo na sa work, ay may purpose talaga at laging may mga natutulungang tao,” nakangiting esplika pa niya.
Dagdag pa Marc, “Ate Gay is Ate Gay, walang katulad ang husay niya… Kaya siyempre ang suwerte naman na makakasama ko uli siya sa isang show. Sigurado ako na magiging successful na naman po ito.”
Special guest ni Ate Gay dito ang Vivamax star na si Sean de Guzman at Starstruck alumnus na si Karl Aquino. Mapapanood din dito sina Dax Martin, Regina Otic, EJ Salamante, Janah Zaplan, Erika Mae Salas, Jasmine Heart Domingo, Yohan Gomez at Lester Paul. May special number din dito si Ms. Joyce Pilarsky.
Kabilang sa pinasasalamatang sponsors ng TEAM sina Ms. Emma Cordero, Centerstage Productions at Direk Brillante Mendoza, Joed Serrano, Ms. Julie Defensor, Joyce Penas Pilarsky, BG Productions and PC Gooodheart ni Ms. Baby Go, Queen Eva’s Salon, Skin Light, Princess Revilla Foundation, at Beauty Lab. Nagpapasalamat din ang TEAM kay kapatid na Jobert Sucaldito at kay Ms. Len Carrillo.