Advertisers
NOONG nakaraang buwan, ipinahayag namin na mananalo si Leni Robredo ng mula 5 milyon hanggang 6-1/2 milyon boto sa pinakamalapit na kalaban sa halalan sa Mayo 9. Binabago namin ang aming sapantaha at sa ganang amin, mananalo si Leni ng 8 milyon sa pinakamalakas na katunggali. Landslide ang panalo niya. Kahit magtulong-tulong ang mga katunggali, hindi mapagtakpan ang laki ng kalamangan ni Leni. Hindi sila mananalo.
Sa Western Visayas, Bicolandia, at Muslim Mindanao, lalamang si Leni kaagad ng 3.5 milyon boto. Mananalo si Leni sa Southern Tagalog (magkasamang Calabarzon at Mimaropa) ng hindi bababa sa 2 milyon. Malaki ang tsansa ni Leni na manalo sa Central Luzon at Metro Manila at aabot ang kalamangan niya sa tatlong milyon na boto. Maaaring manalo si Leni sa ilang bahagi ng Mindanao at Kabisayaan na nagdadala ng tiket na Ro-Sa (Robredo-Sara).
Samantala, mananalo si BBM sa mga rehiyon ng Ilocos at Cagayan Valley, ngunit hindi lalampas ang lamang niya sa dalawang milyon dahil sa panawagan ng “No Solid North.” Makukuha niya ang Leyte, ngunit buburahin ang kalamangan niya ng panalo ni Leni sa tatlong lalawigan ng Samar at Southern Leyte. Balikatan ang laban ni BBM sa mga probinsiya sa Mindanao at Kabisayaan. Hindi lamang na malaki ang mananalo.
Sa pangalawang pangulo, mabilis na humahabol si Kiko Pangilinan. Bahagya ang ungos ni Sara Duterte kay Kiko,ngunit inaasahan na magpapantay ang dalawa apat o limang araw bago ang halalan. Epektib ang paglabas ni Sharon Cuneta sa kampanya. Walang pamilyang iniharap si Sara sa publiko. Hindi niya masabayan si Kiko. Malakas ang tsamba ni Kiko.
Maraming paliwanag kung bakit hindi mananalo si BBM. Hindi nakuha ni BBM ang suporta ng mga mahihirap. Ang sumuporta sa kanya ay ang hindi mga salat sa kabuhayan kundi ang mga taong mahirap makaunawa. Sila ang mga nilikha na hindi naiintindihan ang pandarambong at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng diktadura ng ama. Sila ang mga hindi nakakaunawa na hindi ibinalik ni BBM ang mga ninakaw. Ibalik muna ang ninakaw ng mga Marcos, ito ang panawagan. Walang record ng katiwalian si Leni at kahit si Kiko.
Hindi nasagot ni BBM ang mga usaping iniharap laban sa kanya ng mga katunggali. Bagkus, umiwas si BBM. Hindi siya humarap sa mga debate at nabuhay ang kanyang kandidatura sa pagpapalaganap ng mga kasinungalingan at pekeng balita. Sa maikli, gumugol siya ng malaking halaga sa kanyang troll army. Duwag at takot si BBM pagdating sa talakayan ng mga usapin.
Hindi nakuha ni BBM ang suporta sa iba’t ibang paaralan at organisasyon ng mga propesyonal. Hindi siya sinuportahan ng mga maraming pamantasan, mga guro at estudyante. Napunta ang kanilang suporta kay Leni. Hindi suportado si BBM ng mga doktor, kuntador, abogado, nars, mangangalakal, at iba pang propesyonal. Napunta ang kanilang suporta kay Leni. Tanging ang network ng mga local official ang sumusuporta kay BBM, ngunit kailangan niyang bayaran sila ng malaking halaga. Pera-pera ang labanan.
Si Leni ang panawagan ng maraming Filipino. Malaki ang kanyang panalo. Isa sa mga dahilan kung bakit wala ng lumalabas na survey ang mga polling firm ay lumamang na siya kay BBM. Sa huling pagtataya, nagtabla na si Leni at BBM noong ika-15 ng Abril. Tuloy-tuloy ang momentum ni Leni upang manalo sa Mayo 9. Mukhang mag-aalaga ng sugat ng pagkatalo si BBM.
***
NOONG ako’y isang reporter sa isang peryodiko, isa sa aking mga patnugot si Neal Cruz, ang namayapang kolumnista ng Philippine Daily Inquirer. Hindi ko nalilimutan nang pagalitan ako minsan ni Neal. Isinulat ko kasi bilang mga balita ang magkahiwalay na pagsusuri umano ng dalawang tinaguriang “political analyst.” Hindi natutuwa si Neal sa taguri sa kanila.
“Paano naging analyst ang mga iyan?” tanong ni Neal sa akin. “Opinyon lang nila iyan,” aniya. “Huwag mo silang sineseryoso.” Ibinasura ni Neal ang dalawang isinulat kong balita. Desisyon ng patnugot ang pagbasura at wala akong nagawa kundi igalang ang desisyon niya. Reporter ako noon sa Senado at araw-araw kong inuulat sa aking peryodiko ang mga pangyayari sa bulwagan ng Senado, pati ang mga away ng mga senador.
Pero hindi ako nilibak ni Neal sa aking mga isinulat tungkol sa mga pananaw ng mga “analyst.” Tinuya niya ang mga analyst at sinabing sila ay mga “anal,” o tumbong sa Tagalog. Pinalakas niya ang aking loob. “Magaling ka pa sa kanila,” ani Neal. “Nakikita mo ng harapan ang mga galaw sa Senado,” aniya. “Iyan ang isulat mo at hindi ang mga walang katuturang pagsusuri umano ng mga analyst.”
Mula noon, hindi ko na sila isinulat. Hanggang ngayon, nasa akin pa ang impluwensiya ni Neal. Hindi ko siya malimutan bagaman ilan taon na namayapa si Neal. Pinahahalagahan ko ang kanyang turo sa akin. Hindi ko iniintindi ang mga binansagan o nagpapanggap na analyst.
***
NOONG Lunes, may natanggap kami na sample ballot ng Serbisyong Bayan Party (SBP), ang lapian na pinangungunahan ng pamilya Belmonte sa Quezon City. Galing ang sample ballot sa kampo ni Konsehala Ivy Lagman, ang maybahay ni Grex Lagman na anak ni Edcel Lagman, ang beteranong pulitiko mula Albay. Taglay ng sample ballot ang mga pangalan ng mga kandidato na ipinapanukalang ihalal sa puwestong pinapangarap.
Para sa pangulo at pangalawang pangulo, iminungkahi ng sample ballot ni Ivy Lagman sina Leni Robredo at Tito Sotto, o ang tambalang Ro-So. Nagulat kami dahil may mga paskil na tarp ni Joy Belmonte, kasalukuyang alkalde ng Quezon City na tumatakbo ng reelection, na dinadala ni mayora si BBM. Mukhang iba ang dala ni Ivy Lagman sa dala ni mayora. Mukhang hindi sila nagkasundo sa sayaw.
May katwiran na dalhin ni Ivy Lagman si Leni dahil mga pulitiko sa Albay ang kanyang asawa at biyenan. Isa ang Albay sa anim na lalawigan ng Bicol Region – Sorsogon, Catanduanes, Masbate, at Camarines Sur at Norte. Bicolana si Leni. Pamilya ng mga aktibista ang mga Lagman. Pinatay ng diktadura ni Ferdinand Marcos si Harmon Lagman, aktibistang kapatid ni Edcel. Hindi tanggap ni Ivy Lagman si BBM dahil hindi kwalipikado at malayong-malayo sa husay at kuwalipikasyon ni Leni.
Kasama sa dynamics ng pulitika ng Quezon City kung bakit si Tito Sotto ang dala niya. Kaalyado ni Ivy si Gian Sotto, anak ni Tito. Magkakasama sila sa SBP. Matatanggap na iyan imbes na si Sara Duterte ang dalhin ng mga Lagman. Isa ito sa mga suliranin ng ating pulitika. Mistulang anarkiya o kaguluhan ng mga naglabu-labong pamilya ang bawat halalan.
Para sa senador, dala ng sample ballot ang pangalan ng limang kandidato ng Tropang Angat – Risa, Leila, Chel, Alex Lacson, at Sonny Trillanes. Wala si Dick Gordon, Sonny Matula, at Teddy Baguilat. Nandoon si Neri Colmenares, Luke Espiritu at Guillermo Eleazar at ilang trapo. Hindi ko na babanggitin dahil baka sumikat lang.
***
MGA PILING SALITA: “Don’t keep your hopes too high, but INC could go for Leni & Kiko. Anyone with moral pretense wouldn’t vote for thieves & murderers.” – Rolyt Eclevia
“Sino ang susunod kay Rodente Marcoleta sa pag-withdraw? Harry Roque? Sal Panelo? Larry Gadon? Kulelat ang mga iyan. Abangan…” – PL, netizen
“Junior’s snub of presidential debates is an indication of his low regard for Filipino voters. He believes that his pedigree will carry him to the Presidency. He doesn’t care if he has no platform or competence to boot. He expects Filipinos to throw themselves into his path and wail in adoration of him and his surname.” – Mashhur Sinsuat Glang, netizen