Advertisers
SA maraming pagkakataon maagang nagpakilala ang mga kandidato sa panguluhan. Maraming pangalan ang lumulutang at pawang may sinasabi ang mga ito hinggil sa mga balakin sakaling mahalal sa panguluhan. Ang pagpapakilala’y puno ng buhay at kulay na pinatataas ang tsansa na maluklok sa pinakamataas na pwesto ng gobyerno. Kakikitaan ng mabulaklak na mga pananalita na pumupuna sa pagsasabi ng mga gagawin at walang humpay sa pagbatikos sa kandidatong hindi dumadalo sa mga debate ngunit patuloy na pinag-uusapan dahil sa lakas ng makinarya at kilala ng taong bayan dahil minsan nang naging senador.
Hindi maawat ng mga nagpatawag ng mga talastasan na dapat ituon ang sasabihin sa mga plataporma de gobyerno. Subalit, ang mga pinupukol na tanong sa mga lumahok na kandidato, hindi maiwasan na magbangit ang mga nakaraan inuugnay sa ama at sa kandidatong may dating sa tao ang pagtakbo na parang ito ang napipisil ng maraming Pilipino.
Samantala, sa pagdaan ng mga araw, linggo o buwan, ang bilang ng mga tumatakbo sa panguluhan ay tila lumiliit ang bilang. Nariyan ang ilan na nagkasundong magkaroon ng presscon upang isulong ang pagkakaisa ngunit may nang-isa na nais magamit ang iba para isulong ang sariling agenda. Eh ano ang nangyari, hayun parang binantilawan ang paghabol sa mga nangungunang mga kandidato na bumulusok pailalim ang tsansa sa panguluhan. Habang ang isa sa kasama sa presscon ang nahimasmasan na hindi galing sa pinagkaisahan ang sinabi ng batang Maynila. At patuloy na nag-iikot sa bansa lalo sa hilagang Luzon ang hindi sinipot ng mga kausap na LGU lider at nagkasya na lang sa paliwanag na may iba itong mga nakalahad na dapat puntahan sa susunod na araw.
Samantala, ang ibang kandidato’y hindi binibigyan ng galang na kahit makakaliwa’y nagsusubok na pumasok sa mga legal na paraan ng estado tulad ng eleksyon. Ang masakit, ang kandidatong ito’y naputukan o pinutukan ng baril habang nasa kasadsaran ng mga konsultasyon sa mga lumad ng kaMindanawan. Maigi at ‘di nasugatan o may nangyaring masama sa kandidatong ito. At sa ngayon, puro imbestiga ang sinasabi ng pamahalaan o mismo ng COMELEC, magbigay naman kayo ng konkretong ulat hinggil sa imbestigasyon.
Lumalapit na ang araw ng halalan, nariyan na nahubog na ang kaganapan sa halalan. Bawas na sa bilang ang mga tumatakbo sa panguluhan at maging sa bise presidente, hindi dahil sa pag-atras kundi walang ibang magagawa kundi magparaya. Ang pagpanig ng ibang tumatakbo sa unang dalawang pwesto ang mas mainam na tingnan upang mabatid kung sino ang nakikitang may malakas na bentahe kung pagbabatayan ang pag-iikot. Tuwirang masasabing mainit ang laban sa panguluhan ng dalawang nangungunang tumatakbo.
Maging sa social media kapansin pansin ang batuhan ng mga akusasyon at kung anu-ano ang naglalabasang propaganda kontra propaganda upang siraan ang isa’t – isa habang pinababango ang sarili sa manghahalal. Sa mga social media fanatics na nagbabasa ng palakdaw lakdaw masusuri na mataas ang palitan ng mga feed-info ng magkabilang panig lalo sa kasalukuyang pinanggigigilang tiktok ni Gab V. na nagsasaad ng pagkiling sa panig ni Leni Robredo.
Sa kabilang banda, hindi ito pinalagpas ng trolls ni Boy Pektus at pinasukan ng iba’t – ibang video na pinatungan ang orihinal ng mga nagsasayaw gamit ang kanta ni Gab V na dinugtungan ng lyrics na wala kaming pake na binabangit ang ngalan ni BP at Inday Sapak. Napakababa ng paraan nito sa panghihikayat ng manghahalal na pumanig sa kanila na gamit ang hindi sa kanilang video footage. Lubhang nakakasuka ang paraan na pinatungan o nag voice over lang sa orihinal na video ng katunggali na pwedeng anguluhan na wala sa tamang wisyo ang umawit na may sayaw. Sa totoo lang, dahil laos ang mga artistang sumusuporta kay Boy Pektus, hayun sumakay na lang sa galing ng maka Leni na taartits na ‘di lang magaling, mabait na at pawang magaganda. Sa totoo pa rin, hindi matatawaran ang husay ng mga artistang ito, higit sa lahat walang mga bayad at kusa ang pagkiling sa Kalimbahin.
Asahan ang pag-igting nang pananaboy ng disinformation sa patuloy na lumalakas na kandidatura ni Leni sa likod ng mga huwad na survey na pinalalabas ng matalik na kalaban sa panguluhan. Masipag ang mga trolls nito at talagang magaling sa agham na nakapag-iimbento ng kung anu-anong isyu laban kay Leni at maging sa mga anak. Hindi nila mapigilan ang lakas nito sa tao sa laylayan kaya’t hindi magkandaugaga ang mga trolls na lumalabas sa tiktok ng mga videos na lumalait sa abalang pangulo at maging sa mga artistang sumusuporta dito. Ang masakit sa pwersa ni Boy Pektus, patuloy ang pagdami ng mga nagbalik parang politiko na pumapanig sa kalimbahin. Ang pagbaligtad ng mga ito’y walang kapalit at dapat magpalit at kumapit sa grupo ng abalang pangulo ng mapalakas ang tsansa na manalo sa lokal na halalan. Dama ng mga kandidato sa LGU, maging mga kasalukuyang naka upo o lumalaban dito ang bagsik ng hatak ni Leni sa mga tao. At ang tamang hakbang ay ang magpalit o lumipat sa mananalong grupo.
Sa darating na mga araw, asahan ang pagbaha ng pera sa mga taong gumaganap bilang mga lider ng mga politiko sa baba. Karaniwang kaganapan ito lalo’t namimiligro ang tindig ng punong kandidato ng Inutile na tiyak ang paglabas ng salapi ng makuha ang boto ng mga manghahalal na matiyagang naghihintay na mabasa ang labi. Hindi na magpatumpik tumpik lalo’t kita na ang paglagpas ng kandidato ng kalimbahin kay Boy Pektus. Itong nakaraang araw o linggo tila pinapalong kabayo ang bilis sa pag remate ni Leni sa nagpatay trangkong kandidato. Nariyan na ang finish line kaya’t ang magpakawala ng palo ng salapi ang gagawin ni BP hindi lang sa baba maging sa itaas. Walang sisinuhin basta’t matiyak na hindi mauulit ang kaganapan noong 2016. Walang kameng pake kahit sino kahit ano dahil ang manalo ang magdidikta sa nagawa o gagawin.
Ang agos ng kaganapan na lubhang matarik sa grupo ng Inutile lalo sa panguluhan, walang hindi dapat galawin ano man ang mangyari upang matiyak ang pangarap ni Boy Pektus ay hindi na maunsiyame sa pangalawang pagkakataon. Ang paglantad ng mga pangunahing mga kaalyado nito mula sa asawa at kapatid na hindi mahilig sa pulitika ang barometro na narito na ang tunay na laban. Ang pagremate at pag-angat ni Leni sa laban lalo sa home stretch ang tunay na pinangangambahan ng kalaban ng mga ito. Ang paglipat ng mga kakampi ng mga katungali patungo sa kakampink na hindi inaasahan dahil tila nawalan ng saysay ang gastos sa bayarang kandidato dahil lalong humataw ang lakas ng matalik na kalaban. Kaya’t heto, kahit sino basta’t sagka sa layunin sa Mayo 9, bibilhin at o pawawalain, wala silang pake, ang mahalaga ang resultang papabor sa Inutile at hindi sa kalimbahin…
Maraming Salamat po!!