Advertisers
NITONG nakaraang linggo, nailunsad ang isang kakaibang aklat. Kakaiba, dahil ito ay akda ng di naman mga sikat na manunulat, kung di, ay mga talagang nakaranas bilang mga rebelde at miyembro ng komunistang-teroristang Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ano naman ang mga nilalaman ng aklat na ito? Maaaring tanong ninyo. Tinaguriang “Unmasking: The Myth of Communism in the Philippines”, ang aklat na ito ay naghuhubad ng maskara upang mailantad at mailahad ang lupit at pasakit na mararanasan sa pagsali sa CPP-NPA-NDF.
Ang sabi nga ng mga may akda, ang kanilang libro ay pagsasaad ng kanilang “pagsisi” bakit sila napabilang sa maling samahang nakalinlang sa kanila sa mga pambansang unibersidad o paaralan.
Ang kanilang mga expose’ at mga rebelasyong matutunghayan sa kanilang libro, anila, ay hindi paghihiganti sa kanilang mga naging kasama at sa mismong CPP-NPA-NDF.
Ito raw ay dahil sa kanilang pagmamahal sa bayan noong panahon ng kanilang kabataan, at bilang babala na rin sa mga kabataan ng kasalukuyang panahon.
Kudos! At ating sinasaluduhan ang mga may akda na sina Jake Llanes, Joy James Saguino, Eric Celiz, Noel Legaspi, Ivy Lyn Corpin at Rey Christian Sabado.
Ang kanilang pagtatala ng kanilang mga karanasan at mga nalalaman sa maling samahan na kinabilangan ang magbubukas sa kaisipan ng mga kabataan sa kasalukuyang upang makaiwas sa pangloloko at pagrerecruit ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.
Kasama na rito kung paano nagkukubli ang mga komunistang-terorista sa mga nilikha nitong mga ‘front organizations’ upang makalinlang pa ng mas maraming Filipino sa walang saysay nitong pakikipaglaban sa pamahalaan. At kung paano pa napalawak ng CPP-NPA-NDF ang kanilang galamay, para makapanghingi ng mga donasyon sa ibang bansa.
Para sa inyong lingkod, ang aklat na ito ay maaaring gamitin sa ating mga paaralan upang mabuksan ang mga isipan ng ating mga kabataan sa maling idolohiya ng mga komunistang-terorista.