Isko, pinangunahan ang selebrasyon ng Eid-Al Fitr
Advertisers
PINANGUNAHAN ni Presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno ang pagdiriwang nitong Lunes ng Eid-Al Fitr sa Bonifacio Shrine’s Kartilya ng Katipunan kung saan may 10,000 members ng Muslim community mula sa iba’t-ibang panig ng Metro Manila ang nagsama-sama para manalangin.
Sa kanyang mensahe, si Moreno, na sinamahan ni Muslim Affairs head Shey Sakaluran Mohammad, tourism chief Charlie Dungo at ng kanyang senatorial candidate Samira Gutoc ng Marawi, ay kinilala ang papel na ginagampanan ng Muslim community sa progreso ng lungsod kung saan ito ang kanilang naging tahanan sa loob ng 500 taon na.
“We welcome you sa lungsod na inyong tahanan at bilang pag-alala sa mga mahal nating ninuno sa Maynila 500 taon nang nakakaraan… mga ninuno gaya nina Rajah Bago, Rajah Lakalandula at Rajah Soliman sa Maynila,” sabi ni Moreno.
Bago nagsalita si Moreno, sinabi ng host na ang mga Muslim ay nasa likod at nananatiling sumusuporta kay Moreno sa kanyang kandidatura.
“Ang mga Muslim po sumusuporta sa ‘yo ay mananatili hanggang sa dulo ng labang ito,” sabi ng host.
Sinabi ni Mohammad na ang pagtitipon kung saan ang mga dumalo ay umabot hanggang Universidad de Manila at the LRT areas, ay hosted ng Manila Muslim Affairs sa pakikipagtulungan ng Imam and Ulama Council of the Philippines , Mohammad Al Ryan Mosque. Philippine Khotba at Imams Masjid League of the Philippines, Bgy 384 Quiapo Manila sa ilalim ni Chairman Khalil Pundoma, Manila Islamic Cemetery & Cultural Hall at ng Imam Council of the Philippines.
Sinigurado ni Moreno sa lahat ng mga Muslim na nagsidalo sa sa Maynila ang lahat ay pantay-pantay kahit na ano pang ang iyong kasarian, relehiyon, politikal na paniniwala at estado sa buhay.
“Sana, kayo ay patuloy na makapamuhay nang mapayapa, maunlad at malusog at alam ko na ‘yan din ang dalangin n’yo kay Allah. We want to make you feel that you belong to the city of Manila as members of the community, wherein tayo ay nagtatag ng isang Muslim cemetery,” dagdag pa nito.
Binanggit din ni Moreno kung paano nagkaroon ng problema ang mga Muslim sa paglilibing ng kanilang mga patay, dahil na rin sa laki ng gastos sa pagbibiyahe ng bangkay patungo sa kanilang probinsya upang maisagawa lamang ang wastong ritwal ng paglilibing.
“Marami sa kanila, nahihirapan ang mga kaanak sa paghihimlay ng mga nasawing mahal sa buhay kaya’t ating itinatag ang Muslim Cemetery,” sabi pa ni Moreno.
Ang Maynila ang tanging lungsod na nagtayo ng Muslim Cemetery at matatagpuan sa loob ng Manila South Cemetery.
“Hangad ko ang tagumpay ng inyong mga kahlingan sa May Likha na nawa’y biyayaan kayo…mabuhay mga kapatid na Muslim sa lungsod ng Maynila. Allahu Akbar!!” paulit-ulit na pahayag ni Moreno na ikinatuwa ng libo-libong Muslim.
Ang Eid Al- Fitr ay hudyat ng katapusan ng pag-aayuno o fasting sa panahon ng Ramadan at pinagdiriwang ng lahat ng Muslim sa buong mundo. Ito rin ay dini-deklarang pista opisyal taun-taon. (ANDI GARCIA)