Advertisers
NAG-COLLAPSE ang kampanya ni BBM sa huling dalawang linggo. Nawalan ng lakas at kagat. Hindi nalalayo sa gumuhong kastilyong buhangin ang kampanya ni BBM. Hindi nakabangon at makakabangon. May sisihan sa kampo ni BBM dahil matamlay ang kampanya. May balitang naglayag mag-isa si Sara Duterte dahil nanganganib na ang kanyang kandidatura.
Nilangaw ang rali ni BBM sa Bacolod City noong Sabado. Hindi dumating si BBM. Santambak na hakot ang rali ni BBM sa San Fernando City sa Pampanga, ngunit hindi napuno ang lugar. Hindi taga-Pampanga ang dumalo kundi mga hakot mula Metro Manila, Rizal, at Cavite. Walang kagat ang rali na tinustusan ng mga Pineda at Arroyo (GMA). Kasing tamlay na lamay sa patay kahit pumagitna sa entablado ang ilang laos na artista.
Walang momentum ang kampanya ni BBM. Kahit matunog ang pangalan niya sa umpisa ng kampanya, paunti-unting humabol si Leni dahil sa sipag at lakas ng kalatas sa mga tao. Dahil hindi sumali si BBM sa mga debate, hindi nabigyan ng diin ang anumang mensahe niya kung mayroon man. Bukod diyan, masyado defensive ang kampanya ni BBM. Masyadong umiwas sa kontrobersya. Malamig pa sa ilong ng pusa ang kampanya ni BBM. Kunsabagay, walang isasagot si BBM sa mga kontrobersyal na usapin.
Hindi nagbigay ng matinong sagot si BBM kung bakit tumatakbo sa panguluhan. Hindi maipaliwanag kung bakit nais niyang maging pangulo. Hindi tinanggap ng mga tao ang mensahe niya ng “pagkakaisa” (unity). Saan, sino, paano, at bakit magkakaisa – mga katanungan na walang naisagot si BBM. Hunghang na kalatas ang pagkakaisa. Hindi ito naunawaan ng masa.
Kahit saan at anong halalan, pinakamahalaga ang mensahe ng kandidato. Kailangan ipaliwanag niya sa wika na mauunawaan ng masa kung bakit hinahanap ang basbas ng sambayanan. Dito nagkamali si BBM. Iniwan niya sa kanyang troll army ang usapin ng mensahe. Wala siyang ibinigay na katanggap-tanggap na mensahe.
Walang inatupag ang kanyang troll army kundi maghatag ng fake news at kasinungalingan sa sambayanan. Wala sila sa panig ng katotohanan. Siniraan ng troll army ang mga kalaban na kandidato lalo na si Leni at idinamay ang mga tagasuporta. Hindi nalilimutan ng nagkalat ng sex video ang pinaghinalaan kampo ni BBM laban sa anak ni Leni.
Hindi nagklik ang estratehiya ni BBM na manahimik sa mga kontrobersya. Ang masakit ay hindi nasagot ni BBM ang mga isyu sa kanya. Totoo na hindi kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama. Ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit hindi isinasauli ng kanyang pamilya ang nakaw na yaman na ang pinakamababang tantiya ay umabot sa $5 bilyon.
Hindi hinarap ni BBM ang ilang isyu tulad ng P203 bilyon na hindi nabayaran na real estate tax. Hindi tinanggap ng mga tao ang paliwanag ng kanyang abogado na hindi pa tapos ang asunto. Tapos na ang asunto at hiningi ng Korte Suprema ang mabilis na pagbayad sa naantalang buwis. Sa totoo, ayaw ni BBM na magbayad. Ayaw niyang mabawasan ang nakaw na yaman na nasa kanyang pangangalaga.
May isa pang dahilan kung bakit natibag ang kampanya ni BBM. Ito ang kawalan ng matinding suporta. Hindi sinuportahan si BBM ng mga iba’t ibang organisasyon ng mga propesyonal tulad ng doktor, nars, abogado, accountant, atleta, at iba pa. Hindi siya suportado ng kahit anong simbahan. Wala sa kanya ang civil society. Wala siyang suporta sa Simbahan.
Maliban diyan, walang mahika ang kampanya ni BBM. Napakalayo sa kampanya ni Lani na itinataguyod ng sambayanan. Isang kumpas ni Leni, daan libo ang dumarating. Hindi sila kailangan bayaran. Sila ang gumugugol sa kanilang pagsali. Kay BBM, kailangan humakot at magbayad at mag-arkila ng mga bus. Mahirap manalo ang ganitong kampanya.
***
AABOT sa 67 milyon ang rehistradong botante sa buong bansa, ayon sa datos ng Comelec. Kung may voter turnout na 80%, aabot sa mahigit 50 milyon ang pupunta sa mga presinto upang ihalal ang mga opisyal ng bayan mula presidente hanggang konsehal ng mga Sangguniang Bayan. Batay sa aming tantiya, mananalo si Leni ng may kalamangan na walong milyon sa pinakamahigpit ng katunggali.
Pinakamalakas si Leni sa rehiyon ng Bicol (Camarines Norte, Camarines Sur at Norte, Albay, Sorsogon at Masbate) at Western Visayas (Negros Occidental, Iloilo, Guimaras, Aklan, Antique, at Capiz). May 9m ang mga botante ng Bicol at Western Visayas. Kapag bumoto ang 7.5m at napunta ang 6m kay Leni, manalo siya ng mahigit 3m kay BBM.
MAY 9m botante ang Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) at 5m ang Central Visayas (Cebu, Bohol, Siquijor, at Negros Oriental). Kapag lumabas ang 11m botante at 7m ang bumoto kay Leni, 3m ang lamang ni Leni. Hindi pa kasama ang Mimaropa (Mindoro-Romblon-Marinduque-Palawan) na mayroon 1.5m botante. Solid Leni ang Mimaropa. Tatlong milyon agad ang kalamangan ni Leni.
Hindi marunong magsalita ng Ilocano si BBM ngunit maaaring manalo siya sa tatlong rehiyon – Ilocos, Cordillera Autonomous Region (CAR), at Cagayan Valley. May kabuuang 6.5-M botante at maaaring umabot sa 5-M ang voter turnout. Ngunit huwag kalimutan ang Central Luzon at Metro Manila na may kabuuang 14-M botante. Kapag lumabas ang 12-M at ibinoto at nanalo si Leni, madaling makakain ang lamang ni BBM sa Ilocos, CAR, at Cagayan Valley.
Kaya matindi ang labanan sa Metro Manila at Central Luzon. Sa Central Luzon, mananalo si Leni sa probinsya ng Tarlac, Bulacan, Bataan, at Zambales. Mabigat ang laban sa Pangasinan at Nueva Ecija lalo na mga bayan na Ilocano ang salita. Mabigat sa Pampanga, bayan ng mga Pineda at Arroyo. Pero hindi malaki ang lamang. Mananalo si Leni sa Metro Manila bagaman inaasahan na second prize si Isko.
***
SANDOVAL, MALAMANG MA-DISQUALIFY!
Sinampahan ng disqualification case sa Comelec si Malabon City mayoral candidate Jeannie Sandoval. Ito ay matapos makuhanan ng larawan ang kandidato sa gilid ng isang government bus ng Department of Health (DoH) na may #Kakampi na nakapinta sa harapan nito. Ang hashtag ay campaign slogan ni Sandoval at ginamit umano ang parehong DoH bus para sa isang campaign activity sa Barangay Catmon ng lungsod noong April 20, 2022.
Sinabi din sa kaso na may personal na kaalaman ang witness na namimigay si Jeannie Sandoval ng isang libong piso sa mga botante ng Malabon City kapalit ng pagboto sa kanya. Ginagawa ito ni Sandoval sa karatig bayan na Navotas City kung saan dating natalo na ang asawa nitong si Ricky Sandoval bilang mayor noong 2007.
Election offenses ito sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa paggamit ng sasakyan ng gobyerno para sa pangangampanya ng kandidato at pamimili ng boto na parehong maaaring magresulta sa disqualification. Kitang-kita ang matibay na ebidensya ng larawan na isinama sa pagsasampa ng kaso ni Diane Bautista, residente sa Malabon City. Si Jeannie Sandoval ay dating vice-mayor ng Malabon City at nilampaso ng kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Mayor Lenlen Oreta noong halalan ng 2019.