Advertisers

Advertisers

MATAAN ANG COMELEC

0 524

Advertisers

ILANG araw na lang at hahatol na ang bayan sa kung sino ang nais nitong maging pangulo ng Pilipinas at iba pang pwesto na nakalaan sa halalan sa Mayo 9. Hindi na mapakale ang mga kandidato kung ano ang tunay na kalagayan ng inilapit na programang pambayan. Hindi malaman kung naging matamis o mapait ba sa panlasa ni Mang Juan at ito ang babasbasan patungo sa magastos na paraan upang magsilbi sa bayan. Nariyan ang iba’t – ibang paraan na nagsasabing sila ang mangunguna sa takbuhan sa halalan. Ang survey ba o ang dami ng mga dumadalo sa mga campaign rally ang barometro upang sabihin na sila ang babasbasan ng taong bayan. Nariyan ang mga video footages sa social media na binibilang ang dami ng mga viewers at likes na isa pa ring ginagamit na basihan sa laban. Subalit, hindi nawawala ang kaba sa dibdib at patuloy na lumalakas ang kabog sa paglapit ng araw ng halalan. Bakit? Dahil walang nakakatiyak sa kung sino ang nakakaungos sa laban lalo ang nasa dalawang unang pwesto.

Sa ngayon, ang unang dalawang magkatungali sa panguluhan ang nagpapatikasan at masasabi na dikit ang laban kahit ang grupo ng Inutile na may malakas na makinarya ang angat sa laban. Ngunit, hindi nagpapahuli ang kalimbahin sa mga boluntaryong manghahalal na tuwirang gumugugol ng sariling pera upang sumulong ang kandidatura ng napipisil na pangulo. Ito ang mahikang dala ni Leni Robredo na hindi umaasa sa malalaking donasyon ngunit naka angkla ang laban sa mga kusang tagasunod na naniniwala na ang malinis na tala sa paninilbihan ang basihan ng kusang pagpanig sa kalimbahin. Mahiwaga ang mahika na dala ng mga boluntaryo ng mga kulay rosas dahil dama sa panghihikayat ang sinseridad na parang apoy na umaakit sa maraming manghahalal na pumanig sa hanay nito. Ang mabigat dito, walang hinihiling kapalit na materyal kung hindi ang malinis na pamahalaan na mag-aangat sa kabuhayan ng mamamayan. Na siya namang programa ng abalang pangulo, “Ang gobyernong tapat Angat buhay lahat”.

Sa labang ito, tunay na mahalaga ang kasipagan sa pag-iikot at panghihikayat ng mga manghahalal na sila o ako ang dapat piliin dahil dala ang tunay na programang pambayan. Ngunit, lubhang mahalaga sa lahat na ang malinis na halalan ang siyang dapat manaig, sunod ang mga kandidatong tumatakbo sa halalang ito. Ang boses ng tao o ng Pilipino ang siyang dapat marinig, hinihikayat ang bawat maghahalal saan mang panig ng bansa ay magsigurong walang magaganap na dayaan sa halalan sa siyang pangunahing layunin. Kasing halaga ng buhay ng bawat isang manghahalal ang boto na walang bahid ng dayaan kanino man ibinigay ang basbas. Ang pagsisiguro ng malinis na halalan ang tungkulin ng bawat nagmamahal sa bayan. Ang may kredibilidad na halalan ang inaasahan sa komisyon ng halalan. Nakamata hindi lang ang media, o mga watch group maging ang ordinaryong Pilipino sa magiging resulta ng halalang hinaharap. Huwag kulayan ng pagkiling sa sino mang kandidato o partido ang pagpapatakbo ng halalan. Isipin ang kinabukasan ng bayan at ng salinlahi, at ito ang inaasahan sa COMELEC ang pagiging patas sa lahat ng mga tumatakbo at higit sa milyon milyong Pilipino na susunod sa prosesong inilalatag ng batas.



Sa COMELEC, sa malapit na pagtatapos ng kampanya ng mga partido at kandidato, malilipat na sa inyo ang tuon ng taong bayan. Kung paano dadalhin ng komisyon sa mga darating na araw, ang malinis at walang kinikilingan na halalan hangang bilangan. At ito ang gagawing batayan ng bayan kung pasado ang komisyon sa pagsusulit. Ang tamang pag-uugali sa halalang ito ang magpapasya kung dapat na ipagpatuloy pa ang inyong tungkulin o kailangan ng baguhin ang komisyon o ang tatao sa opisinang ito. Tandaan na kayo ang tuwirang may sagutin sa taong bayan. At iisa ang inaasahan, makapasa ang COMELEC sa pagsusulit na ibibigay ng bayan. Sa inyong pagpasa sa pagsusulit sa Mayo 9, ikasisiya ni Mang Juan, aling Marya at ng balana dahil ang namutawi sa resulta ng halalan ang totoong boses ng bayan. Dahil dito, asahan ang kasiyahan ng bayan ang magdadala sa inyo sa pedestal ng karangalan.

Sa isang banda, ang marungisan ang kalalabasan ng darating na halalan, asahan na hindi magdadalawang isip ang mamamayang Pilipino na dalahin sa kanilang kamay ang tunay na hatol na magpapatagal sa pagbangon ng bayan. Walang pagdadalawang isip na gawin muli ang nakaraan sa ngalan ng tunay na katarungan na binahiran ng pagpanig sa ‘di tama at pansariling kagalingan. Hindi inasahan ang nabangit sa itaas kung kikilos ang komisyon ng halalan ayon sa inaasahan na walang pinapaboran sa halalan. Huwag iwalay sa isip na nakamata ang bayan sa mga komisyoner, ang inyong walang kinikilingan na pagdala sa halalan ang siyang tanging inaasahan ng bawat Pilipino. Ang mahusay na pagdadala sa halalan pambayan ang magdadala sa atin sa kinabukasan.. Sa COMELEC, muling binabangit , minamataan kayo ng bayan ang tamang kilos ay patungo sa pag-unlad na may pagkakaisa. Ang pedestal ng karangalan ang sa inyo’y naghihintay. Samantala ang kilos na may pagkiling sa kung sino ay patungo sa karimlan.

……………………………………………………………………………………………………………………………………….

Lubhang nalungkot ang Batingaw sa trahedyang naganap sa isang pamayanan sa loob ng UP Campus kung saan ito lumaki. Nagkaroon ng isang sunog sa Pook Amado Hernandez kung saan labing tatlong katao ang nabawian ng buhay. Isang ‘di karaniwang umaga ang gumising sa mga taga Amado Hernandez kung saan ang isang purok nito ang nagliliyab sa ‘di malamang kadahilanan. Tunay na mabilis ang naganap na trahedya dahil kagyat na naabo ang maraming bahayan na tinutuluyan ng mga nakatira dito. Sa pagka-aapula ng sunog tumambad ang katawan ng mag-iina na hindi nagawang makatakbo sa ligtas na lugar dahil sa taranta sa bilis ng pangyayari. Hayun nakita itong magkakayap na tila isinuko ang sarili sa sanlumikha. Sa kabilang banda ng sunog, naroon ang dalawang matanda mag-asawa hindi rin pinalad na makatakbo dahil sa katandaan. Ang masakit nito, yakap pa ang apo na kasama sa natupok na kabahayan.

Matagal man wala sa pamayanan ng Amado Hernandez, hindi maiwalay ang sarili at pilit na sinasabi na taga roon dahil ito ang pamayanan na naglinang ng pagkatao. May kahirapan na malimutan ang lugar dahil marami sa mga alaala ang bitbit sa kasalukuyan. Ang mga namayapang mahal sa buhay, ang kasabay na naglakihang kababata at maging ang mga supling na doon nagsimula ng unang hakbang. Ang trahedya ng sunog ay parang punyal na tumurok sa puso dahil sa ang mga nabangit na mga yumao sa trahedya ay tunay na malapit sa akin. Nabawasan ang tatawag ng Ninong sabay mano kung dumadalaw sa lugar. Tunay na masakit ang sinapit ng mga dating kapit bahay, subalit ang pagtangap sa kaganapan ang mahusay na hakbang upang ipagpatuloy ang buhay. Ang taos pusong dalangin ang siyang ginawa ng mapasiya ang kaluluwa ng mga yumao. Nawa’y mapasainyo ang lugar sa kalangitan, lalo sa mga anghel na binawian ng buhay…



Maraming Salamat po!!!