Advertisers
Ni JOE CEZAR
BALIK-tambalan sa primetime sa pinakabagong show ng Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Kapuso Primetime Queen Marian Rivera.
Ang proyekto ng mag-asawa ay isang sitcom, ang “Jose and Maria’s Bonggang Villa ng GMA Network and APT Entertainment.
Bukod sa co-producers silang dalawa (thru their company Agosto Dos Media) personal din nagbibigay ng ideya si Marian sa mas ikagaganda ng kanilang sitcom.
Ayon nga sa production team, halos lahat ng may kaugnayan sa proyekto nina Dingdong at Marian, mula sa concept, script, casting ay dumadaan sa dalawa.
Personal na inaasikaso ng mag-asawa ang bagong sitcom.
Ani Marian, “Isa itong pangarap sa amin, lalo na sa akin kasi ang tagal ko nang hindi lumabas sa primetime. So, sabi ko kay Dong parang hindi ako makapaniwala na totoo at mangyayari na ito.
“Tapos, pangarap ko talaga magkaroon ng sitcom kasama si Dong.
“So, ito na ‘yung pangarap na ‘yun.
“Sabi ko sa mga tao na nagmamahal at matagal na naghintay… malapit n’yo nang mapanood sina Maria at Jose. Bonggang-bongga ‘yan ‘pag napanood n’yo!”
Samantala, kaabang-abang din ang pag-guest ni Marian Rivera sa “Family Feud” na si Dingdong Dantes ang gamemaster.
Bukod dito, may inihanda rin silang Mother’s Day special na kinunan sa bansang Israel na mapapanood sa Mayo 7. Iikot ito sa motherhood journey ni Marian na si Dingdong mismo ang nagdirek nito.
***
Ang viral live seller sa likod ng kamera … DAWN CHANG GAGAMPANAN ANG BUHAY NI MADAM INUTZ SA MMM
PARA sa kanyang first ever TV debut, pagbibidahan ni Dawn Chang ang makulay na buhay ng PBB Kumunity celebrity housemate na si Daisy Lopez, o mas kilala bilang ang viral live seller na si Madam Inutz. Kasama ang batikang aktres na si Susan Africa, Gino Roque, at Pamu Pamorada, mapapanood ang espesyal na two-part Mother’s Day series sa Mayo 7 (Sabado) at Mayo 14 (Sabado).
Nag-alinlangan pa nung una si Madam Inutz na ibahagi ang kanyang kwento, “Ayoko talaga i-share kasi siyempre ‘yun yung mga panahon na gusto kong kalimutan, yung hirap. Pero at the same time, naisip ko bakit hindi. Gusto ko magbigay ng inspirasyon sa mga tao.”
Si Dawn naman ay naghanda nang mabuti para bigyang buhay ang maingay na personalidad ni Madam Inutz. Inilahad ni Dawn na nag praktis pa siya ng pagmumura na sikat na gawain ni Madam Inutz sa kanyang mga video. “Ayoko lang na maging kamukha ni Madam Inutz, gusto ko na ako mismo ay maging si Madam Inutz, hindi lang sa physical or panlabas but yung buong buo na siya,” aniya.
Emosyonal din ang kanyang preparasyon para sa role dahil sa madaming paghihirap na dinanas ni Madam Inutz bilang anak at ina, “Dito kinailangan kong gamitin ang sakit ng past ko para lumabas yung tapang ko at mailabas ang tunay na Madam Inutz.”
Bago naging “Madam Inutz,” si Daisy Lopez ay laking Tondo, Manila. Maraming trabaho ang kanyang napasukan dito at abroad para makatulong sa kanyang pamilya at maipagamot ang ina na may sakit. Matapos sumubok sa online live selling, sumikat siya dahil sa kwelang pamamaraan ng pagbebenta. Napasali pa siya sa Pinoy Big Brother bilang “Ang Mama-Bentang Live Seller Ng Cavite.”
Hati man ang reaksyon ng netizens sa live selling ni Madam Inutz, hindi siya pinanghinaan ng loob na tumigil at mas lalo pang magpursige para sa kanyang pamilya.
Para kay Direk Raz Dela Torre, ang kwento ni Madam Inutz ay hindi lamang Mother’s Day tribute, “Matututunan ng viewers na tumingin nang mas malalim sa kapwa natin. Kilalanin ang mga tao na nakakausap natin at huwag basta-basta humusga dahil lahat tayo ay may iba’t ibang pinagdadaanan.”
Panoorin ang “MMK” sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, at iWantTFC. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.