Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
KAPAG nahaharap sa isyu o intriga, inamin ng aktor na si Piolo Pascual na mas pinipili pa niyang manahimik kaysa direkta itong sagutin.
“Bilang artista, sanay na akong pukpukin ng kung anu-anong issue. May mga pagkakataon na kailangang iaddress ang isang bagay pero mas madalas, pinipili kong tumahimik,” wika ni Piolo sa isang video na inulit niya ang suporta kay Vice President Leni Robredo bilang susunod na pangulo ng bansa.
Ganito rin ang trato ni Piolo sa mga isyung pulitika na mas gusto pa niyang tahimik na magmatyag kaysa maglabas ng saloobin sa takot na baka mabatikos.
“Naisip ko, masyado nang magulo ang mundo para makidagdag pa sa samu’t-saring ingay. At hindi ko rin alam kung nararapat ba akong pakinggan. Hindi naman ako eksperto sa pulitika,” paliwanag niya.
Nguni’t ngayong nakataya ang kinabukasan ng bansa sa Mayo 9, sinabi ni Piolo na hindi na siya dapat manahimik, sa pagsabing ang pagtahimik ay isang pribilehiyo na hindi dapat ginagamit ng sinuman sa kasalukuyang panahon.
“Ang pananahimik sa ganitong panahon ay pagkampi sa mga pwersang nagpapahirap sa maraming Pilipino. Sa mga nakaraang araw, palakas nang palakas ang sigaw. Hindi na ito kayang isawalang-bahala ng bawat Pilipinong nagmamahal sa bayan,” ani Pascual.
“Bulong na ngayo’y isang malakas na ring sigaw, si Leni Robredo ang pangulo ko. Abogada, ekonomista, tapat, at walang bahid ng corruption,” dagdag pa niya.
Para matiyak na tama ang kanyang desisyong suportahan si VP Leni, sinabi ni Piolo na siya’y nagsaliksik, nakinig sa ibang tao at binuksan ang isip bago naghayag ng suporta sa Bise Presidente.
Gaya ng ibang volunteers, sinabi ni Piolo na tumugon siya sa panawagan ni VP Leni na tumayo at ipaglaban ang bansa at kapakanan ng taumbayan, lalo na iyong mga nangangailangan.
“Pagkain sa mesa. Edukasyon. Maayos na kalusugan. Hindi ba’t ito naman ang araw-araw nating pinagsisikapan para sa ating pamilya? Hinihiling ng panahon na lawakan natin ang ganitong pagsisikap, hindi lang para sa mga mahal natin sa buhay, kundi para sa ating mga kababayang nangangailangan,” punto ni Piolo.
Binigyang diin ni Piolo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pamahalaan na tutulong sa taumbayan na maabot ang kanilang pangarap at gumanda ang buhay sa pamamagitan ng mga batas, programa at plataporma.
“Tapat na pamamahalang magbibigay sa atin ng kasiguraduhan, tutulong sa atin sa panahon ng kalamidad o matinding pangangailangan,” wika niya.