Advertisers
NAKASANDAL sa pader ngunit nasa bingit ng kapahamakan! Ito ang paglalarawan ng isang political analyst sa kalagayan ng mga Filipino ayon sa kanyang pag-aanalisa tungkol sa masalimuot na takbo ng pulitika ng ating bansa, bago ganapin ang May 9, 2022 election.
“Wala tayong alternatibo kundi ang pumili sino sa dalawang demonyo ang maghahasik ng lagim at grabeng kasamaan? Ang isang kandidato na namumukod sapagkat walang record ng pagnanakaw o di pa nasasangkot ang pangalan sa korapsyon? Hindi sinungaling, hindi nanlilinlang ng kanyang kapwa, at di ginagastos sa pangangampanya ang salaping mula sa ninakaw sa bayan?
Kailangan pumili ang ating mga botante ng kandidatong tiyak na ipagtatanggol ang ating mga teritoryo at soberanya, hindi nagmula sa pamilyang kriminal at nahatulan ng hukuman sa mga kasong malakihang pagnanakaw o pandarambong sa kaban ng bayan, hindi sugapa sa droga at nahatulan na ng kaparusahan ng hukuman”.
Dagdag pa ng political analyst, “totoong para tayong nakasandal sa pader, walang masulingan habang sinasalakay ng kampon ni satanas at ang lahat na paraan ay ating gagawin para ipagtanggol ang ating sarili kahit na nga kumapit pa sa kamay ng demonyo para maisalba ang pinaka-pipitang buhay”.
Inilarawan ni “Nick” (political analyst) kung papaano siyang inaresto ng mga sundalo ng Metropolitan Command (Metrocom) noong 1972, dalawang araw matapos na ideklara ng diktador na Presidente Ferdinand E. Marcos ang Batas Militar sa bansa.
Napagsuspetsahan si Nick na isang lider-komunista pagkat isa siyang tagapagsalita ng mga nagpoprotestang estudyante sa panahong ipinaglalaban ng mga estudyante ng Philippine College of Criminology (PCCR) ang pagsasabatas ng Criminology Bill na bago mag-Martial law ay nakapending pa sa Kongreso.
Ang mga criminolgy student sa bagong henerasyon ay hindi alam kung papaanong ang mga antigo at orihinal na lider estudyante ay nagsisigaw sa Plaza Miranda sa harap ng Old Congress Building sa Taft Ave., upang dinggin at suportahan ng mga kongresista ang nakabinbing batas para maging isang professional career ang kursong noon at ini-ooffer lamang ng tatatlong kolehiyo sa bansa.
Isa sa mga kolehiyong ito ay ang Philippine College of Criminology na nasa pusod ng Quiapo sa kalye sa Soler, Manila.
Nakalulunos ang sinapit ni Nick sa impiyernong detention cell nito sa Camp Crame. Habang nakahiga ito ay binusalan ang bibig, binuhusan ng tubig sa kanyang bibig at habang nagsisisinghap ay pilit na pinaaamin na isa siyang student communist leader.
Palibahasay inosente sa mga paratang ay itinanggi nito ang akusasyon. Kaya siya ay hinubaran ng saplot at pilit na inihiga sa isang yari sa bakal na upuan habang nakagapos ang mga kamay at paa. Ang kanyang paa ay inilagay sa isang timba na may lamang tubig at kinuryente ang kanyang bayag at maselan na bahagi ng katawan.
Isang berdugong Metrocom sergeant ang nagpahirap sa kanya sa utos diumano ng isang pinapanginoon ng mga itong si alias Kernel Lakay.
Maraming Ilokanong opisyales ng kinatatakutang Metrocom noon ang itinuturong nasa likod ng pagpapahirap sa mga lider estudyante, ilan pa nga sa mga ito ay inabutan pa ng inyong lingkod sa serbisyo.
Ang mga pangyayaring ito ang labis na itinatakwil ng ating lipunan at ang madilim na bahaging ito ng ating kasaysayan ay lingid sa kaalaman ng ating bagong henerasyon. Hindi na ito dapat pang maulit!
Sa Lumang Lipunan ng rehiyeming Marcos, karamihan din sa mga mambabatas ay mga tamad at marahil ay nag-iintay pa ng hatag para lamang esponsoran ang bill na siyang magiging hudyat para umusad sa Senado ang panukalang magbibigay ng liwanag sa malamlam na buhay at karera ng mga estudyanteng nagnanais na maging law enforcer.
Sa eskwelahan ding ito nagkalapit ang inyong lingkod at si Nick na sa halip na pasukin ang larangan ng law enforcement sa kanyang pagtatapos ng kurso ay mas pinahalagahan pa na ipagpatuloy ang kanyang karera sa magulong larangan ng pulitika, na kanya namang napagtagumpayan. Isa na si Nick sa maituturing ngayon na eksperto sa kanyang naiibang larangan.
Para sa kanya, mga demonyo nga ang nagtatagisan para makopo ang panguluhan ng bansa. Alam ng magkabilang panig na malalandad ang kani-kanilang mga natatagong pagkatao, mga naging kasalanan at nakaraan , ngunit lakas loob pa rin nilang pinasok ang pulitika.
Kaya para kay Nick ang pipiliin natin sa araw ng Lunes ay yaong hindi rin mamimili ng boto o dili kaya ay maglalagay ng napakaraming campaign coordinators hanggang sa pinakaliblib na siyudad at bayan at magbabayad ng pinakamababa ay Php 5000 kada indibidwal.
Bagamat salungat ang pananaw ni Nick sa prinsipyo ng iba pang paham at dalubhasa sa larangan ng pulitika, ay tunay namang masasalamin natin ang kadalisayan ng kanyang paniniwala at pagtataya bilang eksperto sa kanyang larangan.
Matibay ang kanyang pagtataya na ang paparating na halalan ay kawangis ng pagkapit nating mga Pinoy sa dalawang diyablo para magpasaklolo.
Para naman sa hinahangaan ng inyong lingkod na si Jemy Gatdula, isang senior fellow ng Philippine Council for Foreign Relations and Philippine Judicial Academy law lecturer for constitutional philosophy and jurisprudence ay ganito ang kanyang pananaw:
“Ang halalan ay hindi lamang isang payak na paglalagay ng isang tao sa tanggapang pampubliko, manapay ito rin ang pagkakataon pa ra sa mga botante para tumayo at manindigan sa mga isyu at ipakikipaglaban ang pinakamamahal na paniniwala ”.
Sa dalawang magkahanay na pananaw alin sa inyong palagay ang sumasalamin sa tunay na takbo ng ating pulitika?
Kaya, payo natin sa ating mga kababayan, huwag sana kayong palilinlang sa mga propaganda ng bayarang propagandista ng mga magnanakaw!
***
Para sa komento:CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.