Advertisers
TAMA si Lito Banayo, chief strategist ng Aksyon Demokratiko, na ‘yung resulta ng survey ay hindi siyang tunay na indikasyon ng magiging resulta ng eleksyon sa Lunes, Mayo 9.
Ang tunay na survey, ay ang mismong araw ng eleksiyon, at dito, makikita ang tunay na puwersa ng ‘silent majority’ – ito ang mga botanteng tunay na naunawaan ang mga totoong programa ng gobyerno ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.
Alam ng silent majority, si Yorme Isko ang kandidatong may dala ng tunay na pag-asa; si Isko ang may pangakong tiyak na matutupad, kasi may mga pruweba na, may nakagawa na.
Tanging si Isko lamang ang nakitang mabilis umaksiyon, may konkretong plano – na nakitang nangyari, at mangyayari sa bansa kung siya, sa Lunes ang ating iboboto.
Proofs are what Yorme Isko has done in Manila – na mga proyektong pinakikinabangan ng Manilenyo, at iyon din ang gagawin niya, sa buong bansa.
Dugyot dati ang Maynila: ang maruming mga palengke, parke, mga kalye, nilinis ni Yorme — na sa loob ng maraming taon, hindi nagawa ng ibang alkalde ng siyudad.
Ah, ‘yung mga tolongges na sindikato ng tong sa mga vendor, sindikato ng ilegal na droga at sugal, inupakan niya, hindi man nadurog, marami ang nawala.
‘Yung pangakong pabahay ng ibang kandidato, ay nasa guni-guni pa lang iyon, pero kay Yorme Isko, totoo na sa naitayong tatlong condominium na nakatira na ang maraming mahihirap sa Manila na kaya-sa-bulsa ang buwanang hulog sa loob ng maraming taon para ganap nilang maging tunay na pag-aari.
May yagbols si Yorme nang ipatupad niya ang pagpapagiba ng mga barangay hall na itinayo sa kalsada, sa ibabaw ng creek, e ano ba kung labanan siya ng mga tiwaling kapitan ng barangay.
“Ang batas ay para sa lahat, hindi sa malalakas, at mas panig sa inaapi at pinagsasamantahalan,” sabi ni Yorme Isko.
Hindi lang tablet, free wifi, load ang ibinibigay ni Isko sa mga estudyante sa elementary, high school at college sa Maynila: sila ay may allowances pa!
Bukod pa rito ang mga modernong paaralang publiko.
Tinupad ni Isko ang pangakong maayos at magarang sementeryo para sa mga kapatid na Pilipinong Muslim na dati ay pangarap lamang noon.
May alllowances at pension kada buwan ang mga senior at PWDs sa Maynila, may libreng gamot at bitamina pa at magagandang parkeng mapapasyalan.
Ang ganda ngayon ng Mehan Garden, ang monumento ni Gat Andres Bonifacio at ng mga bayaning Katipunero sa tabi ng Manila City Hall, Taft Avenue; pinagandang Jones Bridge at kinumpuning mga kalsada, magarang Arroceros Park at tulong sa maliliit na negosyante.
Mabilis na kilos laban sa pandemya tulad ng COVD-19 Field Hospital sa Luneta, maraming vaccination at testing center, libreng gamot, kahit sa hindi taga-Maynila.
Modernong Bagong Ospital ng Maynila, bagong Pres. Cory Aquino General Hospital at ang anim pang public hospital na pinalagyan na ng mga bagong medical equipment, maraming ready-to-use na gamot at bagong pasilidad.
Hindi lang pagkain, pera at makinarya sa search and rescue operation ang aksyong tulong ni Yorme sa mga biktima ng bagyo, kalamidad at sakuna, kasama roon ang garantiya ng agad pang tulong kung kakailanganin.
***
Kapanatagan, pagtuldok sa mahigit na dekadang awayan sa politika ang mangyayari sa bansa kung si Isko ang pangulo.
May banta si VP Leni Robredo, magkakagulo kung si Bongbong Marcos ang mananalo, kasi nga ang talagang dahilan ng pagtakbo ng Nanay ng mga Pinkdilaw ay harangin si BBM.
Hindi ang kaunlaran ng bansa; at si VP Leni ay extension ng mga Aquino na mortal na kaaway ng mga Marcos.
Kung si Leni na puppet ng mga Aquino, hindi matitigil ang away politika at maasahang iiral ang kaguluhan, walang tigil na banatang politika, at kaawa-awa ang bansa natin.
Delikado kung manalo si VP Leni kasi mismong si Pangulong Rodrigo Duterte, sina Gen. Hermogenes Esperon, at iba pang matataas na opisyal ng militar at ng PNP ay nagpapatunay na “kakampink” na rin ang terroristang CPP-NPA-NDF si Robredo.
Lalakas ang mga rebeldeng komunista kung si VP ang mananalo, lalo na at umamin mismo si Joma Sison na siya ang adviser ni Robredo ngayong eleksiyon.
Kahit pa itinatanggi ito ng kampo ni Robredo, nakikita sa mga grand rally ang mga kaalyadong leftist partylist at mga kadre ng CPP.
***
Pero kung si Yorme Isko ang pangulo, matutuldukan na ang mahigit na 35 taon na awayan; at higit sa lahat, masisingil ang mga utang na buwis at ang sinasabing ill-gotten wealth ng mga Marcos.
Gagamitin ang P203-bilyong estate tax at iba pang makukumpiskang ari-ariang ilegal para itulong sa mahihirap — sa mga magsasaka, sa mga driver, maliliit na negosyante, paggawa ng mga pabahay, ospital, mga tulay at kalsada at iba pa.
Pagbawas sa buwis sa petrolyo, koryente; pinalakas na kurikulum sa science and technology; programa sa food security, at pagpapalakas ng militar at naval and coast guard para sa seguridad ng bansa at handang depensa sa anomang di-inaasahang sigalot sa West Philippine Sea.
***
Si Isko lamang ang alternate candidate at tamang lider natin na walang titingnan kulay politika.
Pangako niya, kahit Pula, Dilaw o ano pang kulay, basta magaling, may integridad at kilala ang husay, isasama niya sa kanyang gobyerno.
Totoo, hindi ganap na mawawasakan ang korapsyon pero ang pagtiyak ni Yorme Isko: kahit kasama, kahit kaibigan kung masangkot sa katiwalian, “wala silang lugar sa ating gobyerno!”
Interes ng pamilyang Pilipino ang magiging tuntunin ng kanyang foreign policy at hindi papayag si Yorme Isko na kontrolin ng dayuhan ang pamamalakad sa hustisya ng bansa.
Kabuhayan, kapayapaan, kaunlaran ang mangyayari sa bansa kung si Isko Moreno Domagoso ang mananalo.
Kung sa karanasan, kakayahan at talino, nasubok na si Yorme Isko.
Wag na nating pakawalan ang pagkakataong ito sa Lunes.
Maiba naman: Si Isko Moreno Domagoso na ang ating ipanalong pangulo.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.