Advertisers
ANG humakbang palayo sa nakaraan ang gawin ng hindi matali sa ligalig ng pagkabahala sa patutunguhan. Isantabi ang mga gawain ng nakalipas at panahon na harapin ang mapait na katotohanan tapos na ang halalan. Ang lahat ng naganap noong mga nakalipas na buwan, linggo at araw ay pawang karanasan lamang at hindi kailangang maging sagka sa hinaharap. Kung paano isusulong ang kinabukasan ng mga nagwaging mga kandidato ang bigyan pansin batay sa mga inusal na pangako na inilapit sa mga Pilipino noong nagdaang kampanyahan na maging basehan ng pagpapasya. Sa ngayon, hindi pa man opisyal na binibilang ang boto sa panguluhan at pangalawang pangulo, tila may larawan na ang pasya ng bayan kung sino ang napili ng nakararami. May mga hindi makausad sa naganap na halalan at ito ang malalim na dahilan sa mga pagkilos na hinaharap. Ang maging mapagmatyag sa hinaharap sa kilos ng mga nanalong pulitiko ang susi upang hindi mauwi sa wala ang ipinaglaban para sa kagalingan ng lahat.
Sa kasalukuyan, marami sa mga sumuporta sa ibang kandidato ang hindi pa umuusad sa kaganapan sa halalan. Hindi makausad dahil sa karanasan sa nakalipas na halalan, maraming pangyayari tulad ng nasirang VCM, tagal ng paghihintay upang makaboto at siyempre ang init ng panahon na nilakipan ng gutom sa tagal ng pila upang makaboto. Subalit, kailangan iwan ang nakaraan para sa hinaharap lalo’t ang kinabukasan ng bayan ang nakasalalay. Sa ganang pagkakataon, tila mapalad pa rin si Leni sa hindi pagtatagumpay dahil sa bigat na haharapin sandamukal na problema na iiwan ni Totoy Kulambo. Lalo ang usapin ng bayarin sa mga utang, kawalan ng trabaho at maging ang hindi matapos tapos na pandemya. Dito nasusukat kung ang lahat ng binanggit ni Boy Pektus sa kampanya’y nagaganap sa likod ng 31M boto lalo sa mga taong umaasa na bababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin higit ang bigas. At ito ang aantabayanan ng bayan, ang pagbabang presyo ng bilihin lalo’t hindi sapat ang sahod ng mga obrerong pa extra – extra sa trabaho, masusulusyunan ba ito?
Sa mga pinalad, ang paghahanda sa kinabukasan ang tuunan ng pansin ng ‘di mahuli ang bansa sa mga lumalayong kaunlaran sa mga karatig na bansa. Babantayan ang kilos ng gaganap na mga pinuno, at kung kailangang kumilos at ipabatid sa mga lider na hindi naaayon ang galaw sa mga pangakong nabangit walang pagdududa na gagawin ang pagkilos. Mabigat ang mandatong inatang ng bayan sa sinumang nagwagi na kalakip ang atang balikat na kailangang ipabatid bawat taliwas na kilos sa pangakong binitawan. Siyempre ang kabila nito’y ang pakikiisa sa mga mabuting gawa na kinalulugdan ng bayan. Hindi maramot si Mang Juan sa papuri at pagbibigay halaga sa mabuting gawa. Tulad ng una nang nabangit, hindi dapat tumigil ang pagiging mapagmatyag sa uupong lider dahil kagalingan ng bayan ang nakasalalay. Huwag maumid sa mga kailangang ipabatid sa nanunungkulan sa pamamagitan ng pagpapahayag sa mga mapayapang kilos ngunit mariin ang pagsasabi ng kailangang gawin. Ang tamang pagpapaalam sa kalagayan hinaharap o kinakaharap ang gagawin ng magkaroon ng pagsasaayos ang manunungkulan kung saan may kahinaan.
Pansin nyo ba bayan sa nakalipas na kampanya, ang lakas ng kapangyarihan ng taong bayan na kayang pasayahin ang kahit sinong pinuno kung nanaisin. Ipasok sa isip at puso mga kababayan na ikaw ang tunay na may lakas. Nasa kamay mo ang kung sino ang ibig na liderato na magsusulong ng iyong interes at pakinabang. Sa palad mo ang pagpapasya kung sinong lider, lokal o pambansa ang titimon sa pamahalaan. Huwag alisin sa kasanayan na ang lakas ng bayan ang mismong nagpapagalaw sa sino mang lider na binigyan ng basbas. At sa nakitang lakas huwag hayaan na mabalewala ito sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag at magpaabot ng nais na pagbabago. Pagbabagong para sa lahat ng Filipino at hindi sa iilan.
Tunay na masakit sa puso ang pagkatalong naganap ngunit kailangan sumulong para sa kinabukasan ng sambayanan na matagal ng naghihirap. Alisin ang pagiging partisan lalo sa mga nagwaging politiko. Alisin sa isip na ang grupong ito ang dapat makakuha ng tamang serbisyo. Kung natanggap na ng ilang ang masakit na pagkatalo ang nakapaloob ito sa mga mahusay na programang bayan ang dapat gawin at hindi sa mga sipsip na sumakay sa tagumpay. Mag-isip at magmatyag din ang mga taong hindi nakasama sa gawain ng halalan ngunit may kakayahang mag-ambag para sa kaunlaran ng bayan, bigyan ito ng puwang ng ‘di mapulaan.
Sa nasa kabilang bakod ng politika, masakit sa puso ang pagkagapi, ang sumulong at makipagtulungan ng may kabukasan alang alang sa inang bayan ang dapat gawin. Hindi kailangang manahimik, ang kritikal na pakikipagtrabaho ang gagawin upang malaman kung anong mga programa ang dapat isaalang alang para sa kapakanan ng nakararami. May panahon upang paghilumin ang sugat ng halalan, ang pagpaparating ng dapat para sa bayan ay ‘di dapat isantabi at kailangang ipaabot sa nanunungkulan. Sa mga manunungkulan, ang pagbibigay ng puwang sa mga mungkahi kahit ng ‘di kapanalig ay huwag hayaan at bigyan pansin kung ito’y sa kagalingan ng bayan. Dito kayo susukatin kung tunay o slogan lang ang inyong Uniteam. Malaki ang halaga sa buhay ng bawat Pilipino ang naganap na halalan at nanalig na ang pagkakaisang binabandera’y pagkakaisa para sa lahat at ‘di lang sa mga kasama o kakampi. Ang kinabukasan ang itinaya kaya huwag hayaan na mabalewala.
Sa huling bahagi, nagpupugay ang Batingaw sa lahat ng Pilipinong nakibahagi sa halalan. Ang bawat Pilipino na nagpakita, nagpahayag at nagsalita ng kanilang napiling kandidato talo man o nanalo ay karapat dapat na papurihan dahil sa inyo narinig ang boses ng sambayanan. At ito ang inaasahan sa darating na panahon na makibahagi kayo sa kaganapang bayan, may bayad o wala dahil ikaw, ako at ang maraming tulad natin ang marunong magpaabot ng hinaing bayan. Huwag alisin na taong bayan ang tunay na sandalan ng anumang uri ng lakas.
At sa mga hindi nagtagumpay, patuloy na magmasid at ipaabot ibig nating pagbabago. Sa mga nanalo, magbukas ng linya sa lahat ng uri ng komunikasyon. Inaasahan na sa pagbubukas ng linya, hindi isasara ang isip sa anumang uri ng kritisismo. Hindi gagamit ng dahas sa halip ang bukas na dialogo ang aasahan sa sinumang sektor na may hinaing. Muli at para sa lahat masakit man ang kaganapan sa halalan kailangan sumulong dahil nakataya dito ang kagalingan ng bayan.
Maraming Salamat po!!!