Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
MASAYA na naman ang mga tagahanga nina Bea Binene at Jake Vargas dahil balik-tambalan sila sa seryeng The Fake Life na mapapanuod simula sa June 6 ng hapon sa GMA7.
Ayon sa tsika, may pitong taon din anya ang lumipas bago ang muling pagsasama nina Bea at Jake sa nasabing serye na pinagbibidahan nina Beauty Gonzalez, Sid Lucero at Ariel Rivera at mula sa direksyon ni Adolf Alix, Jr.
Si Bea ang gaganap na batang Beauty habang si Jake naman ang batang Sid.
Tsika ni Jake, nanibago anya siya sa pakikipagtrabaho sa dating gf-kalabtim na si Bea dahil hindi rin biro ang 7 years na hindi sila nagkasama sa proyekto.
Pero matapos ang paninibago ay nagbalik na ulit ang pagiging komportable nila sa isa’t isa.
“Ang tagal ko rin siyang hindi nakasama sa TV. Medyo nangangapa pa pero noong tumagal, okey na,” sabi ni Jake.
Ang kaibahan pa umano ay mapapanuod ng kanilang mga tagahanga sina Bea at Jake na seryoso na kaysa sa pa-sweet at kilig na akting nila noon sa Tween Hearts.
“Siya ang sumampal sa akin. Siguro tatlong take ata yon ta’s yung sampal niya solid pero okay naman kasi parang sanay na eh. Malakas yung sampal na umabot sa pisngi ko,” dagdag ni Jake.
Paliwanag naman ni Bea, may kabigatan daw talaga ang kanyang mga kamay at alam anya ito ng kanyang co-stars.
Wika pa ni Bea, ang eksena raw ay nangyari nang ang karakter ni Jake na si Mark ay bumalik matapos i-ghost si Cindy.
Pero kahit umano may nakalipas sina Bea at Jake, suportado pa rin ng gf ni Jake na si Inah de Belen ang serye ng dalawa.
Taong 2015 daw nang maghiwalay sina Bea at Jake.
Samantala, ibang akting na naman ang ipamamalas sa The Fake Life ni Beauty.
Makatatakas pa ba kapag naningil na ang pagkakamali ng nakaraan? Paano tatanggapin ang katotohanang peke pala ang lahat ng iyong papaniwalaan?
Ang The Fake Life ang pinakabagong dramang gigising at iintriga sa inyong mga hapon.
Kasama rin sa serye sina Ms. Tetchie Agbayani, Faye Lorenzo, Jenny Miller, Shanelle Agustin, Will Ashley at Saviour Ramos.
Kaya tumutok na sa Afternoon Prime Drama na The Fake Life, 4:15 ng hapon simula sa June 6 sa Kapuso Network.