Advertisers

Advertisers

Pagtrabahuin muna natin si Sec. Tulfo

0 290

Advertisers

INULAN agad ng batikos si incoming DSWD Secretary Erwin Tulfo, ang broadcast journalist na pinili ni President-elect Bongbong Marcos para pamunuan ang naturang ahensiya.

Sabi ng mga kritiko, hindi bagay sa DSWD si Erwin dahil ang alam lang niya ay ang pumuna, bumatikos, magmura at magbasa ng mga balita.

Totoo naman. Pero si Erwin, para sa mga hindi pa nakakakilala sa kanya, ay isang matulunging tao. Bagama’t wala siyang sapat na karanasan sa social services, siya naman ay maka-masang journalist at nakasalamuha na niya ang maraming mahihirap nating kababayan lalo ‘pag may kalamidad. That means batid niya ang problema at solusyon rito.



Sabi nga niya, bigyan natin siya ng anim na buwan hanggang isang taon. Na kapag hindi niya nagampanan ng mabuti ang pagiging kalihim ng DSWD ay magbibitiw siya.

Oo! Bigyan muna natin siya ng pagkakataon na pangasiwaan ang DSWD. Malay natin magampanan niya ng higit pa sa mga nagawa ng mga nakaraang social worker chief ang trabaho.

Go… Secretary Erwin Tulfo!

***

Nagpaalam na sa kanyang mga kasamahan sa Senado ang most senior Senator na si Franklin Drilon na matatapos ang termino sa Hunyo 30. Magreretiro na raw siya sa politika. 24 years siyang naglingkod sa Senado.



Si Drilon, 76 anyos, ay tatlong beses naging Senate President (2000, 2001-2006, 2013-2016).

Para sa akin, siya ang pinakamagaling na Senador sa loob ng 24 years niyang pagiging mambabatas ng Mataas na Kapulungan. Memorize na niya ang batas. Kahit nakapikit sa Senate hearing, alerto siya sa pagtatanong at pagsasagot sa mga dapat mabunyag sa Senado.

Siya ang “Big Man” ng Senado.

Advise niya sa mga bagong Senador: “Mag-aral ng mabuti para hindi mapahiya sa Senado.”

Mabuhay ka, Senador Frank! Isa kang alamat!!!

***

Pinababasura ng kampo ni President-elect Bongbong Marcos sa Korte Suprema ang disqualification case na isinampa laban sa kanya ng mga dating political prisoners.

Say ng abogado ni Marcos na si Estelito Mendoza, naproklama na ng Kongreso ang una kaya’t wala nang kapangyarihan ang Korte Suprema na talakayin pa ang kaso.

Pero ayon kay Atty. Teodore Ty, ang abogado ng mga nagsampa ng petition laban kay BBM, ang reklamo nila sa huli ay “cancelation of his certificate of candidacy” dahil nagsinungaling ito sa kanyang CoC na hindi ito convicted gayung na-convict ito sa kasong tax evasion ng Quezon RTC at hindi rin ito nagbayad ng penalty, na hindi naman binigyan timbang ng Comelec.

At kaya raw late na sila sa pag-apela sa Korte Suprema ay dahil narin sa ginawa ng Comelec na naglabas ng desisyon isang araw bago ang eleksyon.

Ayon kay Ty, anuman ang maging desisyon ng Korte Suprema ay kanila naman itong igagalang lalo’t ito’y magiging batayan na ng kahalintulad na kaso.

Ang ganitong kaso ay 1st time sa Korte Suprema. Kaya kaabang-abang ang maging desisyon nito rito.

Tandaan: ang batas ay malupit pero ito parin ang batas.

Abangan!