Advertisers
KUMPIYANSA si WBC bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire na maigaganti niya ang kanyang pagkatalo noong taong 2019 sa kamay ng Japanese boxing star na si WBA, IBF champion Naoya Inoue.
Ginawa ni Donaire ang pahayag, isang araw bago ang kanilang rematch na gagawin sa teritoryo pa rin ni Inoue ngayon Martes.
Nakataya sa kanilang showdown ang tatlong korona kasama na ang WBC belt na hawak ng Pinoy world champion.
Ayon kay Donaire, matagal na niyang inaambisyon na maging undisputed world boxing champion na mangangahulugan na mahahawakan niya ang lahat ng apat na korona.
Sinuman kasi ang mananalo sa June 7 ay posibleng sunod na makaharap ang bago lamang nagkampeon sa World Boxing Organization (WBO) na si Paul Butler.
Kung sakaling manalo sa rematch si Donaire, inaasahang magiging madali na maisaayos ang laban kay Butler dahil sa iisa lamang ang kanilang promoter sa ilalim ng Probellum.
Samantala, muli namang binigyang diin ni Donaire na hindi sana siya pumayag sa rematch sa Japanese champion kung hindi niya alam na mananalo sa pagkakataong ito.