Advertisers
KAKAYANIN kaya ni President-elect Bongbong Marcos itong napakalaking problemang sasalubong sa kanyang pag-upo sa Hulyo 1?
Higit 31 milyong Pinoy na naghalal kay BBM ang umaasa na gaganda ang buhay sa loob ng kanyang termino na magsisimula sa sunod na buwan. Magiging P20 raw kasi ang kilo ng bigas at mamimigay sila ng nutribun. Hehehe…
Paano kaya mangyayari na aalwan ang buhay ni Juan dela Cruz kung sa simula palang ng panunungkulan ni BBM ay nakaamba na ang kaliwa’t kanang mga protesta dulot nitong walang humpay na pagtaas ng produkto ng petrolyo, bigas, buwis, pamasahe, etc…
Bukod pa rito ang napakalaking babayarang utang ng bansa. Higit P320 bilyon ang dapat bayaran kada taon para mabawasan ang halos P13 trillion utang na iiwanan ng outgoing Duterte administration.
Ang transport groups ay nagbanta na ng tigil-pasada dahil wala na silang kinikita sanhi ng mataas na krudo/gasolina. Nasa P90+ per liter na! Tataas pa ito sa mga sunod na araw, sabi ng Department of Energy (DoE).
Kahit pa tinaasan ng P1 ang minimum ng pamasahe ay hindi parin ito kasya para kumita ang driver at may maipakain sa kanyang pamilya. Kulang pa nga raw sa boundary ang kinikita nila maghapon. Kaya mangilan-ngilan nalang ang pumapasada. Namasukan nalang sa construction ang mga driver.
Ang mungkahi ng mga ekonomista, dapat alisin muna ang excise tax sa fuel. Bawat litro kasi ng gasolina ay may tax na P10 per liter, P6 sa diesel, P5 sa kerosene at P3 sa LPG. Malaking kabawasan ito kapag inalis.
Kaso, mas malaki ang mawawala sa gobierno, daang bilyones! Eh kailangan kailangan ngayon ng gobierno ng salapi para pambayad sa gabundok na utang gawa ng Duterte administration.
Ang gobyernong Duterte ay nagkautang ng halos P7 trillion, gawa raw nitong pandemya sa Covid-19 na natadtad naman ng katiwalian! Animal!!!
Kaya wala pa mandin ay panay na ang pulong ni BBM sa kanyang ecnomic managers, nag-iisip kung anong pormula ang kanilang gagawin para maayos ang napakabigat na problemang kakaharapin nila sa sunod na anim na taon.
Isa nga sa mga naisip ng papasok na administrasyon ay ang pagtaas ng buwis. Aray ko! Mas malupet pala ito. Baka wala nang maiuwing sahod ang mga trabahador.
Ngayong tinaasan naman ang suweldo ng mga manggagawa, tatamaan rito ang business establishments na kakarampot lang ang kinikita. Baka magsara nalang!
Pag nagsara ang mga negosyo, madadagdagan ang malaking bilang ng jobless na mga Pinoy.
Sa latest data ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.87 million Pinoy ang jobless. Pero maaring bumaba ito ngayon dahil ginawa nang 100 percent operational ang lahat ng negosyo sa bansa, matapos bumaba ang bilang ng kaso ng Covid-19.
Yun nga lang! Paano bababa ang bilang ng jobless kung marami namang negosyo ang magbabawas ng trabahador dulot ng pagtaas ng suweldo at pagtaas ng buwis?
Sabi ng mga ekonomista, ang kailangan ngayon ng mga Pinoy para mabuhay ng maluwag ay magdoble hanggang tripleng trabaho. Ibig sabihin, bukod sa regular na trabaho ay dapat may sidelines pa! Ano ano naman kayang sidelines? Ewan!
Anyway, wait tayo rito sa magiging diskarte ni BBM…