Advertisers
HIRIT ni Senador Win Gatchalian kay President-elect “Bongbong” Marcos, linisin sa korapsyon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Immigration (BI).
Papaano? Palitan daw lahat ng empleyado partikular mga opisyal.
Nakalimutan yata ni Sen. Win na ang mga empleyado ng gobyerno ay protektado ng Civil Service Commission (CSC). Hindi puwede na basta nalang sila tatanggalin para lang palitan at mawala ang katiwalian sa ahensiya.
Karaniwan naman ng katiwalian sa gobierno ay gawa ng mga opisyal, yung mga pumipirma sa transaksyon. Mismo!
At kadalasan, ang korapsyon ay gawa ng mga political appointee, mga co-termino ng Pangulo. Dahil sa kanila dumadaan ang malalaking transaksyon.
Sabi nga, walang political appointees na bumababa sa puwesto nang hindi paldo ang mga bulsa.
Sa BIR, ang matinding katiwalian ay doon sa mga nagko-compute ng mga bayarin ng mga business establishment. Kayang kaya kasi nilang palakihin at paliitin ang babayarang buwis depende sa kung magkano ang sa kanila.
Hindi nga ba’t marami nang na-entrap na mga opisyal ng BIR dahil lamang sa pangingikil sa negosyanteng may malaking bayarang buwis. Ito ang mga dapat masibak sa puwesto at makulong!
Madali lang naman matukoy kung korap o hindi ang isang opisyal ng gobyerno eh. Tingnan mo lang ang kanyang lifestyle. Kapag nagkaroon ito ng magagarang sasakyan, mansyon, nagmamay-ari ng units sa mamahaling condo o nakatira sa mamahaling subdivision sa kabila ng kanyang suweldo na P60K kada buwan, alam nyo na yan. Kurakot yan! Pramis!!!
Oo! Sino bang may katungkulan sa BIR, BI, Customs, Public Works at iba pang ahensiya ng gobyerno ang mahirap? Wala! Bakit hindi sila paimbestigahan? Anong ginagawa ng Ombudsman at Department of Justice dyan?
Ito siguro ang magandang gawin ng bagong administration, ipa-lifestyle check lahat ng govt. officials. Mismo!
***
Sabi ng isang gobernador ng Cagayan na si Manny Mamba, makabubuti na upuan muna ni President-elect Bongbong Marcos ang Department of Agriculture baka sakali matupad nito ang “aspirations” na maging P20 per kilo ng bigas at malinis sa grabeng korapsyon ang ahensiya. Puede!
Ang mungkahi naman ng outgoing Secretary ng Agricultire na si William Dar: Doblehin o triplihin ang pondo ng ahensya para masuportahan ang mga magsasaka. Sa kasalukuyan kasi ay P91 billion lang ang pondo ng DA.
Actually, napakaraming sakahan sa mga probinsiya ang once or twice a year lang magtanim dahil sa tubig-ulan lamang sila umaasa.
Problema kasi sa mga probinsiya ang kawalan ng irrigation. Kung may irrigation man, wala namang tubig. Basta lang kasi naglagay ng irrigation na walang source of water. Sa ulan lang din umaasa. Peste!
Dapat ay iniinspekyon ng taga-National Irrigation Administration (NIA) ang mga pinagawa nilang irrigations sa mga probinsiya kung napapakinabangan ba ito o pinagkakitaan lamang ng kanilang field officers.
Tulad lamang sa Sta. Fe, Tablas island, Romblon. Yung irrigation sa Bgy. Danao Sur, nawasak na wala manlang dumaloy na tubig. Waste of people’s money! Animal!!