Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA kanyang IG account, kinumpronta ng isang netizen si Carla Abellana kaugnay ng pagla-like nito sa mga negatibong komento tungkol sa kanyang ex na si Tom Rodriguez.
Tinawag pa nitong ipokrita ang aktres dahil parang feel na feel nito na inilalabas ang baho ng mister.
Sey pa ng mahaderang netizen, kung may problema raw silang mag-asawa ay dapat na pinag-uusapan na lang nila.
Nainis din ang netizen sa patuloy na pangdededma nito kay Tom at sa napabalita ngang gag order dito tungkol sa kanilang annulment.
Hindi naman napigilan ni Carla na sagutin ang basher sa kanyang post.
Sey ni Carla, aminado siyang nag-like minsan sa negatibong komento kay Tom pero hindi na raw iyon naulit.
Ito ang parte ng kanyang mahabang pahayag: “Ang taong lubos na nasaktan hirap pong pigilang hindi ilabas ang galit sa anumang paraan. I was disrespected. I was betrayed. I was lied to. I was shamed. I was made to look so stupid. Kung sana hanggang dun lang po makakabangon din po ako balang araw. Pero para gawan pa po ako at ang pamilya ng mas marami pang kasamaan at kataksilan sa mga sumunod na araw, linggo at buwan, sobra sa sobra na po ang sakit at pagdurog ng puso at pagkatao ko. Pero bukod po dun wala po akong ginawang masama kay Tom. Wala po akong ibinigay kay Tom kundi tunay na pagmamahal, respeto, pag-aalaga, pag-aaruga, pag-unawa, pagtitiis, respeto, sangkatutak na pagpapatawad, milya-milyang pasensya, paniniwala, pagtitiwala, pag-aasikaso, pagprotekta, lahat lahat na.
“Binigay ko po buong ko sa kanya. 7 na taon po akong bawal magalit, magtampo, masaktan, mabigo, malungkot, madismaya dahil di po puwede. Makakatikim po ako kahit subukan ko pong ipaliwanag sa kanya na nasasaktan niya ako at hindi po tama ang ginagawa niya. Paulit-ulit ko pong pinapaalala sa kanya na hindi po ako kalaban at mabuti po ang kalooban at intensyon ko. 7 na taon pong naipon sa loob ko lahat yun. Gustuhin at kailangan ko man pong ilabas, lubos na nakakatakot po. Ilang beses ko po siyang hinikayat na magpatingin, magpagamot at magpagaling dahil yun din po ang gumana sa akin. Pero wala pa rin po. Tinanggap ko pa rin po siya ng walang pagdududa kahit wala pong pagbabago. Hinarap ko po siya sa altar. Buong puso po akong determinadong alagaan ang pagsasama at pagmamahal namin at paninindigan ang mga sinumpaan namin sa harap ng Diyos.
“Sa dami po ng ibinigay ko kay Tom wala na pong natira sa akin. Galit, pride, at ego ko siya na rin po ang kumuha sa akin at hinayaan ko naman pong kunin din po niya. Pinaglaban ko po siya ng lagpas na 7 taon. Sa lala po ng ng sakit, pambabastos, panloloko, pandudurog, paninira at panggagamit at pagtataksil po niya, mga tinago niya, napakadali pong ibalik sa kanya sa paraan ng pagganti. Pero hindi po ako ganoon. Hindi po ako bobo. Hindi po ako lalaban kahit tapak-tapakan na po ako ng husto. Hindi po ako mababaw. Hindi po ako masamang tao. Kung ano po ang nakikita, naririnig at nababasa ninyo online ay kakarampot lang po ng hindi po ninyo nakikita, naririnig at nababasa kapag wala pong kahit anong camerang naka-record.
“Hindi po ako masamang tao tulad ng sinasabi, nararamdaman, naririnig at nakikita ninyo online o sa TV. Pinalaki po ako ng nanay at lola ko na marunong rumespeto, umunawa, magmahal, magpatawad, magpasalamat, magpakumbaba, at higit sa lhat may takot po sa Diyos.”
Bukas naman ang pitak na ito sa panig ni Tom Rodriguez.