Advertisers
HINDI nagtataas ng puting bandera ang uring manggagawa sa pribado o publikong sektor laban sa hindi makataong pagtrato sa kanilang hanay. Nasa kasaysayan na ang laban na sinuong ng obrero upang marating ang kasalukuyang estado. Naiparating sa kinauukulan ang mga hinaing tulad ng pagtaas ng sahod, katatagan ng paninilbihan maging ang kaligtasan sa paninilbihan. Maraming napagtagumpayan ngunit hindi ang katatagan sa paninilbihan na napakahaba ang hatakan upang makarating sa hapag ng Puno ng Balite ng Malacanan. At binigo ni Totoy Kulambo ang obrerong 100% na sumuporta sa kandidatura nito.
Sa totoo lang, nagawa ng hanay ng mga obrero ang iba’t – ibang konsultasyon na dinaluhan ng mga lider at ordinaryong manggagawa na nagpakita ng pagnanais na itigil ang kontraktwalisasyon. Ngunit nagtengang kawali si Totoy Kulambo sa kahilingan ng mga manggagawa at hindi nilagdaan ang batas na nagtatapos sa ENDO. Hindi naging batas ang Endo Bill, at maraming grupo ng obrero ang patuloy na nakararanas ng paninikil lalo sa mga Export Processing Zone Area na ipinagbabawal ang pagtatayo ng unyon.
Sa pagtakbo ng panahon, maraming naganap sa hanay ng obrero na patuloy na hinalaw ng Formal Labor Migrant Workers Council (FLMWC). Hinahalaw ng grupo ang pangyayari na nagaganap sa mga lokal nito at ginagawa ng mga resolution upang maiparating sa kinauukulan ang hinaing ng mga obrero. Patuloy na inilalaban ng konseho ang anumang kagalingan ng mga sektor ng manggagawa mula sa pampubliko, pribado, migrante, health workers at maging sa transport sector. Maraming pulong ang pinapalooban upang itulak sa mga kinauukulang tanggapan na harapin ang mga isyung inilalapit ng mga obrero.
Karanasan ang batayan na inilalapit na hinaing ng mga obrerong nakaharap sa isyung tinatalakay. Hindi makaporma o makapagsalita ang sino mang kinatawan ng pamahalaan o maging ang management ng mga kumpanyang may kinalaman. Tuwiran ang pagsasabi ng lider obrero. Sa katunayan, maraming Department Order (DO) na inilabas ng DOLE ang muling pinag-usapan ng tindigan ng mga lider obrero na nakapaloob sa FLMWC. Hindi madali ang landas na tinatahak ngunit nakakataba ng puso dahil napapasama ang mahahalagang punto na may pakinabang sa hanay nito. Ang kagandahan, ‘di lang pinag-usapan sa halip napagtatagumpayan na kinalulugdan ng mga obrero.
Hindi napapagod ang uring obrero na patuloy na kumikilos upang mapagtagumpayan ang kaganapan sa kanilang hanay. Sa ngayon, maraming mambabatas ang nagdadala o magdadala ng usaping obrero sa kongreso maging sa senado. Sa katunayan, may mga nakalinyang pagpupulong ang FLMWC sa mga mambabatas na ibig makuha ang opinyon nito sa mga isyu na nais isulong sa pagbubukas ng kongreso. Masinsin ang tindig ng mga lider obrero na kabilang sa konsehong ito lalo sa mga isyung tinalakay at inilapit. Nariyan ang talastasan ng mga punto de vista ayon sa kalagayan sa baba. Dito nagaganap ang pagpapasya kung dapat o tama ang napagkasunduan ang siyang ihahain. Sa pagpapasya, karaniwang hindi na nagkakaroon ng negatibong puna sa kausap na kinatawan. Dahil dama ang isyu, mabigat man ang talastasan subalit maganda ang kinalabasan ng inihaing panukala.
Sa ngayon, patuloy na isusulong ang Security Of Tenure (SOT) o ang anti ENDO bill na ihahain sa papalapit na pagbubukas ng kongreso. Nariyan ang mga konsultasyon sa mga lider sa lahat ng sektor ng paggawa upang patibayin ang panukalang batas na ihahain sa 19th Congress. Kaliwa’t kanan ang kilos ng lider obrero upang makipag-usap sa mga kinatawan ng mga mambabatas o mismo mga mambabatas upang pag-usapan ang lalamanin ng panukalang batas na ihahain. Malinaw na hindi kontra kapitalista ang tayo ng mga lider obrero, ang sa kanila’y hindi naduhagi ang mga manggagawa sa itinakdang batas. Hindi hihingi ng labis sa halip ang makitang may katatagan, makatao at may dangal ang trato sa pinaglilingkuran ay sapat na. Mas pagsisikapan na lumaki ang produksyon sa mga pagawaan ang itataguyod dahil ito’y sa kainaman ng hanay ng manggagawa.
Sa nakalipas na halalan, maraming political party-list ang sumubok sa landas ng kongreso upang subukan ang kapalaran ng kanilang uri. May mga pinalad ngunit marami ang hindi nakakuha ng kaukulang boto upang makaupo bilang kinatawan sa kongreso. Sa pagtanaw, masasabing malayo na ang narating ng mga obrero at hindi bumibitaw sa laban upang isulong ang interes ng hanay. Hindi nawalan ng loob kahit sa pagkadapa sa larangan ng halalan at muling bumangon ng maipagpatuloy ang layunin na mapatatag ang paninilbihan. Nariyan ang mga unyon at grupo ng manggagawa na nakikipag-usap sa management ng kani-kanilang kumpanya. Habang sa kabilang banda ng laban nariyan ang lider ng mga pederasyon na nakikipag usap sa mga mambabatas na uupo sa kongreso’t sa senado. Hindi nagdadalawang isip na maghalaw at magtala ng kaalaman sa mga sitwasyon na napulutan ng aral na siyang inilalapit sa mga taong dapat lapitan ng kanilang hanay.
Sa papasok na bagong pamahalaan, tila nag-umpisa ito sa tamang hakbang ng magkaroon ng konsultasyon ang papasok na kalihim ng DOLE sa mga lider obrero. Napag-usapan sa meeting kung paano mapapalakas ang ekonomiya ng bansa alinsunod sa batas ng pagawa. Hindi pa man, natatasa ang naganap na pag-uusap tila sangayon ang karamihan na kasama sa pulong na tama ang hakbang na ginawa ng kalihim. Hindi lihim sa bago at dating kalihim ang mga binabangit ng mga obrero. At gawain ang dapat ng hindi masasaling ang karapatan ng obrero’y sapat ng masabi na mukhang magiging mapayapa ang susunod na mga panahon sa loob ng mga pagawaan. Positibo ang dating ngunit hindi magbaba ang pagiging bigilante ng hanay ng mga obrero lalo’t wala ang kalahati sa usapin, ang mga kapitalista. Sa kabilang banda ng usapin, naniniwala ang FLMWC maging ang ilang lider manggagawa na ang pagdalo ni Boy Pektus sa isang dialogue na ginanap sa TUCP’y isang senyales na mabibigyan ng halaga ang mga kahilingan ng obrero. At umaasa ang liping manggagawa na ang binitiwang pahayag ni BP’y hindi mag-iiba.
Samantala sa mga lider obrero’t mga kasama sa FLMWC, ang hindi pagtigil na balikatin ang mga usapin ng hanay ang patunay na dama ang usapin ng kasapian. Hindi tumigil kahit may kagipitan sa buhay dahil sa magkabilang pananaw ng nasa kabilang panig ng pabrika. Batid na sa bawat dulo ng lagusan may liwanag na magigisnan na magdadala sa hanay ng tagumpay. May mga pagsubok at ‘di napagtagumpayang, subalit hindi ito sapat upang isantabi ang pagkilala sa ambag ng lider obrero. Ang dugo at pawis ng mga unang lider obrero ang naglatag sa kilos ng kasalukuyang panahon ang siyang dapat bigyan pansin sa takbo sa kinabukasan. Ang patuloy na pagkilos sa kasalukuyang panahon ng mga obrero at ng mga ibig pumaloob sa labang ito ang basehan ng pagkilala sa nakaraan para sa tagumpay sa kinabukasan. Itutuloy ang laban ng obrero para sa bayan. Isusulong ang katatagan sa paghahanap buhay sa hanay ng obrerong Pinoy….
Maraming salamat po!!!