Advertisers

Advertisers

Monching walang tutol sakaling makatuluyan ng anak na si Janine si Paulo

0 375

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

ISANG malaking tagumpay ang ginanap na star-studded red carpet premiere ng pelikulang “Ngayon Kaya” na pinagbibidahan ng rumored sweethearts na sina Paulo Avelino at Janine Gutierrez na ginanap kamakailan sa SM Megamall.
Magandang senyales ito dahil patunay lamang ito na bumalik na ang interes ng mga tao sa panonood ng mga pelikulang Pilipino.
Ang milestone na ito ay dinaluhan ng Paunine (Paulo at Janine) fans, friends, family at supporters.
Maliban sa co-stars ng dalawa na sina Gabby Padilla, Iana Bernardez, at Donna Cariaga, dumalo rin sa nasabing premiere sina Jake Cuenca, Enchong Dee, Edward Barber, Jake Ejercito, Ria Atayde, directors JP Habac at Chad Vidanes, photographer BJ Pascual, Film Development Council of the Philippines Chair Liza Diño, Ice Seguerra, Janine’s father Ramon Christopher, ang mga miyembro ng bandang Mayonnaise, talent manager Tyrone Escalante at mga talents niya, Angellie Nicole Sanoy, at marami pang iba.
Pinasalamatan din ni Janine ang fans nila na walang sawang sumusuporta sa tambalan nila ni Paulo.
“Thank you so much sa naglaan ng oras… to be here. It means so much to us,” ani Janine.
Sey naman ni Paulo, sobra siyang overwhelmed sa pagdagsa ng mga tao para mapanood ang kanilang first team up ni Janine.
“I’m out of words. It’s been a while since I attended a premiere in a moviehouse. Masaya ako na nandito kayo at masaya ako na may pelikulang Pilipino ulit na pinalalabas sa sinehan,” ayon kay Paulo.
Sa amin namang panayam sa ama ni Janine na si Ramon Christopher, sobra raw siyang proud sa kanyang anak na si Janine dahil lalo pang lumalawak ang range nito bilang isang magaling na aktres.
Sobra raw siyang napabilib sa acting nito sa nasabing romantic drama.
Katunayan, tinamaan daw siya sa kuwento ng pag-ibig nina Harold at AM (karakters ng Paunine) sa pelikula tungkol sa magkaibigang pilit tinuktuklas kung sila ba ay nakatadhana sa isa’t isa
Sa rumored romance naman ng kanyang anak sa reel screen partner nitong si Paulo, hindi raw naman siya nanghihimasok sa lovelife ng anak.
Kung sakaling liligawan daw ito ni Paulo, hindi raw naman siya tututol dahil hangad niya ang kaligayahan ng anak.
Katunayan, naipakilala na rin daw sa kanya ni Janine si Paulo and he finds him a very down-to earth person.
Nakikita rin daw ni Monching (as his friends calls him) ang mga katangian ng isang responsableng nobyo dahil sa pagiging family-oriented nito.
Ang “Ngayon Kaya” na iprinodyus ng TRex Entertainment at WASD Films ay mula sa panulat ni Jen Chuaunsu at sa direksyon ni Prime Cruz na palabas na sa humigit-kumulang na 100 sinehan sa buong bansa.