Advertisers
MULING iginiit ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapabakuna, na may patuloy na disiplina at pagtutulungan, sa paglaban sa COVID-19 sa gitna ng mga ulat na pagtaas na naman ng mga impeksyon sa Metro Manila.
Sa isang ambush interview matapos personal na magbigay ng tulong sa iba’t ibang sektoral na grupo sa San Isidro, Davao Oriental, nagbabala si Go na ang pagtataas ng alert level status sa Metro Manila ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa mga negosyo kaya hinimok niya ang gobyerno na magkaroon ng maingat na pagbalanse sa pagitan ng kalusugan at ekonomiya.
“Kung maaari, huwag naman sana, dahil mahihirapan naman po, mababawasan ‘yung kapasidad ng (mga establisyimento at negosyo). Ibig sabihin, mababawasan ‘yung kita. Mababawasan ‘yung mga possible employment. So sana po’y huwag muna,” ani Go hinggil sa panukalang heighten alert status.
“Pero pag-aralan natin nang mabuti. Ako naman po, uunahin ko parati ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino. Kung kaya pa naman natin, kailangan disiplina muna tayo sa ngayon. Disiplina ng bawat isa, magtulungan po tayo. Sino ba namang magtutulungan kundi tayo lang po,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Go na sa disiplina at pagtutulungan ng mga Pilipino kaya naging matagumpay sa paglaban sa pandemya sa ngayon at dapat itong ipagpatuloy.
“Kaya tayo naging Alert Level 1 dahil tayong Pilipino ay disiplinado. Tayo po ay isa sa mga bansa na sumusunod sa pag-face mask. ‘Yung ibang bansa, hindi na po nagpe-face mask,” ayon kay Go.
“So, saludo po ako sa Pilipino. Salamat po sa inyong kooperasyon at para naman po ito sa lahat. Hindi naman po ito para sa gobyerno kundi para po ito sa kapakanan ng bawat Pilipino,” anang mambabatas
Ang NCR ay maaaring bumalik sa isang mas mahigpit na alert lrvel 2 kung ang pagdami ng mga kaso ay magreresulta sa isang malaking pagtaas sa mga admission sa ospital, ang babala ng Department of Health noong Lunes.
Ngunit binigyang-pansin niya na ang mga numero ay hindi pa nagreresulta sa mas malubhang mga kaso, isang malaking pagtaas, o higit pang mga admission sa ospital.
“Ako naman po ang dapat nating gawin, suggestion lang po, my own opinion as a Senate Committee on Health (Chair), suyurin po natin nang mabuti ang mga lugar na talagang kulang pa ang pagpapabakuna,” giit ni Go.
Nitong Hunyo 20, nakatanggap na ang bansa ng 245,083,080 na bakuna laban sa COVID-19. Nagbigay ito ng kabuuang 153,241,972 na dosis. May kabuuang 70,068,551 na Pilipino ang ganap na nabakunahan. Samantala, 14,762,670 booster doses ang naibigay habang 682,209 doses ang naibigay bilang second boosters.
“Huwag nating sayangin ang effort ng administrasyon… huwag naman sana na magback to zero uli tayo. Napakahirap pong magsimula muli sa zero.”
“So pakiusap ko lang, ang bakuna ang tanging susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating inaasam na normal na pamumuhay,” pagtatapos ni Go.