Advertisers
NAKU, may bad news na naman para sa mga mananakay.
Inanunsiyo kasi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aprub na sa kanila ang hirit na P2 dagdag sa minimum na pasahe ng mga tradisyunal na jeep sa buong bansa.
Nag-ugat ito sa hiling ng transport groups gaya ng 1-UTAK, PASANG MASDA, ALTODAP at ACTO na umento sa pasahe.
Hindi na rin naman kasi maawat ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo nitong mga nagdaang linggo at buwan.
Isa pang magandang balita para sa mga drayber, nakatakdang tumanggap ng fuel cash subsidy sa ilalim ng “Pantawid Pasada Program for Tricycle Drivers” ang 617,806 qualified tricycle drivers sa buong bansa.
Kung hindi ako nagkakamali, aba’y layunin daw ng subsidiya na matulungan ang mga ito na makaagapay sa halos walang tigil na oil price hikes.
Hirap din kasi ang mga tsuper ngayong krisis.
Nu’ng unang sigwada nga ng pandemya, aba’y umabot pa sa punto na kailangang mamalimos ng ilan sa kanila, pati ang maraming jeepney drivers.
Mismong ang LTFRB daw ang mamamahagi ng fuel subsidy.
Idaraan ito sa e-wallet accounts ng mga benepisyaryo.
Ang payout ay puwede ring idaan sa mga sangay ng Land Bank of the Philippines at ilang local government units (LGUs).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, umaasa sila na sa pamamagitan ng fuel subsidy na ito ay maiibsan kahit paano ang paghihirap ng mga tricycle drivers.
Siyempre, pagpapamalas din ito ng pagmamalasakit ng gobyerno sa ating mga tricycle drivers.
Sinasabing sa kabuuang bilang ng mga tricycle drivers-beneficiaries, nasa 67,536 ang mula sa Region 1; 31,638 sa Region 2; 83,621 sa Region 3; 162,500 sa Calabarzon), at 30,340 MIMAROPA.
Aabot naman sa 35,339 ang mga benepisyaryo mula sa Region 5; 59,280 sa Region 6; 11,685 sa Region 7; 6,448 sa Region 8; 9,869 sa Region 9; 8,760 sa Region 10; 8,793 sa Region 11; 21,685 sa Region 12; 6,869 sa Caraga; 68,165 sa Metro Manila; 5,040 sa CAR; at 238 naman sa BARMM.
Kung hindi ako nagkakamali, ang subsidiya ay ipapamahagi sa tatlong batches.
Ang unang batch ng mga trike boys ay tatanggap ng ayuda sa e-wallet account habang makakakuha ang 2nd batch sa pamamagitan ng over-the-counter (OTC) transactions sa sangay ng Landbank na malapit sa kanila at maki-claim naman ng ikatlong batch ang kanilang subsidy sa on-site payout ng mga lokal na pamahalaan.
Nasa 766,590 trike drivers daw ang nag-apply para sa maisama sa master list.
Gayunman, nadiskwalipika ang 148,784 matapos ang validation at verification.
Talagang malaking bagay pa rin ang pag-alalay ng gobyerno sa ating mga tsuper para madali nilang maitawid ang araw nang hindi kumakalam ang tiyan.
Huwag mawalan ng pag-asa, laban lang!
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!