Advertisers
Dinaluhan ni Senate committee on health and demography, Senator Christopher “Bong” Go ang inagurasyon ng unang Overseas Filipino Workers Hospital sa bansa sa San Fernando City, Pampanga.
Tulad ng sinabi niya na marami sa mga migranteng manggagawang Pilipino ang nalantad sa mga pagtatrabaho na naglalagay sa kanila sa panganib, tiniyak ni Go na nananatili siyang nakatutok sa pagsusulong ng higit pang mga hakbang na magpoprotekta at magtataguyod ng kanilang kagalingan.
“Ngayon, nasasaksihan natin ang inagurasyon ng OFW Hospital na magiging isa sa mga legacies ng Duterte administration na maggagarantiya ng kalidad ng pangangalagang pangkalusugan sa ating mga modernong bayani – ang ating mga overseas Filipino workers,” ani Go sa kanyang video message.
“Ang OFW Hospital ay isang natupad na pangako na nagsisilbing patunay kung gaano namin pinahahalagahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sakripisyo at kontribusyon ng ating mga minamahal na OFWs,” patuloy niya.
Ang 1.5-ektaryang lupain kung saan matatagpuan ang OFW Hospital ay donasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga. Sinimulan ng nasabing health facility ang operasyon nito bilang polyclinic noong Mayo 2 at inaasahang magiging fully operational ito.
Ito ay isang anim na palapag na pasilidad na may 100-bed capacity na magsisilbi sa mga OFW at kanilang mga kwalipikadong dependent.
Bukod sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, magsasagawa rin ang pasilidad ng pananaliksik sa pag-iwas, pangangalaga at paggamot sa mga sakit sa trabaho na karaniwan sa mga OFW pati na rin ang pagbibigay ng espesyal na pagsasanay para sa mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan sa pagpapatupad ng mga serbisyong pangkalusugan sa trabaho na partikular sa OFW.
Ang pagtatayo ng nasabing ospital ay nagsimula noong Enero 2021 at pinondohan ng Bloomberry Cultural Foundation, Inc. (BCFI).
“Alam natin ang sitwasyon na pinagdaraanan ng ating mga OFW. Hindi po nababayaran ang lungkot, kaya personal kaming nagsagawa ng pag-inspeksyon ni Pangulong Duterte noong May 1, para masiguro na ang ospital na ito ay makapaghahatid ng mas maayos at magandang serbisyong pangkalusugan para sa ating mga OFW at sa kanilang mga pamilya,” ani Go.
Samantala, bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na matiyak na matutugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga migranteng manggagawa, ipinaglaban ng mambabatas ang Republic Act No. 11641 na lumikha ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang DMW ay isang ahensya na pangunahing tututuon sa proteksyon, pagtataguyod ng mga interes, napapanahong paglutas ng mga problema, at epektibong reintegrasyon ng mga migranteng manggagawang Pilipino.
Pinuri ni Go ang lahat ng mga nag-ambag sa pagtatatag ng ospital, kabilang ang Department of Labor and Employment, Department of Health, Overseas Workers Welfare Administration, at BCFI.