Advertisers
ANG mga punong ehikutibo ng mga siyudad at bayan ang nagsisilbing AMA at INA ng may 146 na lungsod at 1,488 na mga munisipalidad sa bansa.
Sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng kanilang mga nasasakupan pagkat ang kanilang kapangyarihan ay hindi basta-basta matatawaran. Maikukumpara sila sa pundasyon ng isang moog o bahay na dapat matibay at matatag.
Sila ang mga tinatawag na meyor, alkalde at honorable ng kanilang mga kababayan, ngunit kapag ang isang meyor ay katulad ng isang newly elected na pinuno ng isang siyudad sa Batangas ay saang direksyon kaya nito dadalhin ang kanyang mga constituent?
Mangyari, pagkaupong-pagkaupo pa lamang ni Honorable noong July 2, 2022 ay naglabas agad ito ng direktiba sa kanyang lokal na kapulisan.
Ang mahigpit niyang utos sa kanyang police chief ay ipatigil ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies na lalong kilala sa kanilang lungsod at maging sa buong lalawigan ng Batangas bilang jueteng.
Nagkakandakumahog namang sumunod si hepe sa kanyang alkalde, en punto ay inutusan din nito ang kanyang enkargado na umikot sa mga barangay ng poblacion hanggang sa pinakaliblib na nayon at ipinarating ang desisyon ng kanilang police chief at mayor na “tigil muna” ang bookis o jueteng!
Ibig sabihin, walang sinumang kubrador at kabo ang mangungubra ng 1-38 gambling scheme sa araw ding yaon at lahat na kubransa sa jueteng ay sa “main” o Philippine Charity Sweeptakes Office Branch Office na ang enggreso
Marami pa rin sumuway sa may 30 local jueteng operator sa “stop order” ni meyor kaya ang kinahinatnan ng mga pasaway na kubrador at kabo ay ang likod ng rehas na bakal ng city police lock-up center.
Marami din sa mga ito ang nakasuhan sa kasong kaugnay sa violation of anti-gambling law.
Sa unang sulyap ay napakaganda ng intensyon ni mayor, kapakanang pambayan ika nga ang nakataya, ang hangarin pa kuno nito ay ang pataasin ang koleksyon ng “main” o ng Philippine Sweepstakes Office sa kanilang siyudad.
Kung tataas kuno ang koleksyon ng PCSO ay malaki rin ang magiging kaparte ng local government unit (LGU) mula sa share na ibinabahagi ng naturang ahensya sa lokal na pamahalaan at sa gayon ay marami ang makikinabang na benepesaryo mula sa medical assistance at iba pang ayuda ng PCSO.
Bilib na bilib noon ang inyong lingkod sa bagitong mayor, wala pang alkalde sa kasaysayan ng lalawigan na ang inisip di pa man nag-iinit ang puwet sa kanyang upuan ay ang kapakanang pangbayan.
Pakiramdam ng inyong lingkod ay nakatagpo na ng isang mesiya ang mga Batangueño at sa wakas ay matutuldukan na din ang perwisyong operasyon ng STL cum jueteng na tunay namang nagpapabagsak sa koleksyon ng taya sa regulated gambling operation ng PCSO.
Lumipas ang isang lingggo, hanggang bigla na lamang lumutang ang isang nagpakilalang emisaryo ni mayor at nakipagdiyalogo sa ilang “barakong” jueteng operator sa kanilang siyudad.
Anang emisaryo pumapayag na ang kanyang “boss” kung ang dating “parating” para sa meyor ay itataas at gagawing Php 6 milyon kada buwan na hahatiin sa apat na bahagi ang bigayan, tumataginting na Php 1.5 weekly.
Nabigla ang mga “kawatang lokal na jueteng lords” hindi nila akalaing ito ang tunay na motibo ni mayor sa pagpapatigil ng jueteng operation sa kanilang siyudad. Matapos makipagpulong sa kanilang mga kapwa kapitalista ay nagkaroon ng counter-proposal ang sugo ng mga “lords” at nag-alok ng Php 3 milyong monthly intelhencia para kay meyor at installment na ibibigay na Php 750,000 kada isang linggo.
Sa dakong huli ay pumagitna na lang ang emisayo ni mayor at nanindigang Php 5milyon na ang para sa kanyang alkalde at paparte-partehin ang bigayan ng Php 1.25 milyon weekly.
Hanggang tinitipa ng inyong lingkod ang pitak na ito ay nagpapalitan pa din ng proposal ang panig nina mayor at mga iligalista.
Ang maliwanag nito, sa dakong huli tuloy pa din ang pajueteng nina barangay kapitan, kagawad, ilang activepolice, retired police at iba pang lokal na jueteng maintainer.
Tulad ng dati, ang maaapi ay si Juan at tiyak na tuluyang bibigay na din si meyor sa kaway ng salapi na kung susumahin ay di bababa sa Php 180 milyones sa looban ng tatlong taon nitong panunungkulan sa nasabing siyudad!
Sa jueteng pa lamang ang magiging hataw ni meyor ay aabot ng Php 180 milyon sa loob ng tatlong taon , magkano naman kaya ang intelhencia at iba pang mahaharbat ni meyor mula sa operasyon ng kalakalan na droga at iba pang gawaing labag sa batas na talamak din sa kanilang siyudad? Ating subaybayan ang mga aktibidad at galaw ni meyor…
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.