Advertisers
CAGAYAN DE ORO CITY –Kulungan ang kinabagsakan ng isang miyembro ng sindikato ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) nang madakip sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad Martes sa lungsod na ito.
Sa pinagsamang pwersa ng Department of Social and Welfare and Development 10 (DSWD) at Cagayan de Oro City Police Office (CDCPO), naaresto ang suspek na kinilalang si John Carl Mendoza alyas Jay Lagrimas ,30 anyos at taga-Cavite.
Ayon kay Maj. Mario Mantala, Cagayan de Oro City Police Office (CCPO) station 4 commander, nahuli ang suspek sa tinutuluyan nitong bahay sa Villamor Compound, Brgy Balulang, ng naturang lungsod.
Nakuha sa suspek ang mga pekeng DSWD NCR ID, DSWD Red Vest at ibang mga pekeng dokumento.
Nabuko ang modus-operandi ni Mendoza nang magreklamo ang nasa 150 miyembro ng 4Ps laban sa grupo nito.
Umabot sa P1.2M na ang nakolekta ng suspek sa kanilang mga biktima mula sa sinisingil na halagang P300 hanggang 500 sa pangakong makakuha ang mga ito ng educational assistance kasama ang social amelioration program (SAP).
Kaugnay nito mahigpit naman nagpaalala si DSWD Secretary Erwin Tulfo sa mga kwalipikadong miyembro ng mga programa ng pamahalaan tulad ng 4Ps, SAP, at Solo Parent Benefits Program ay walang hinihinging bayad ang gobyerno at libre ito para sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Nanawagan naman ang DSWD-10 sa iba pang mga biktima ng grupo ni Mendoza na maari silang dumulog sa tanggap ng city social welfare sa kanilang mga lugar para magsampa ng reklamo.
Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban kay Mendoza at tugis na rin ang iba pa nitong mga kasabwat.