Advertisers
UNTI-UNTING gumuguho ang kastilyong baraha ni Dennis Uy. Isiniwalat ng Banco De Oro, isa sa pinakamalaking institusyong pinansyal sa bansa, na inilalagay nila sa pagreremata, o foreclosure ang mga utang ng kaalyado ng dating pangulo Rodrigo Duterte dahil sa hindi pagbayad ng mga obligasyon nito sa Clark International Airport Corporation kung saan ang BDO ay main financier.
Matatandaan na ang F2 na pag-aari ni Uy ang itinalagang “logistics provider” ng Comelec noong nakaraang halalan at ang BDO ang nagbigay ng malaking tulong-pinansiyal sa pamamagitan ng mga ipinautang nito. Unang hakbang anga ginawa ng BDO upang mabawi nila ang perang ipinautang sa mga kompanyang pag-aari ni Dennis Uy. Nangunguna dito ang Udenna Corp. Samakatuwid, dahil kilalang kaalyado ni Duterte si Dennis Uy, nagawa niyang madagit ang ilang malalaki at piling mga proyekto mula sa pamahalaan. Isa ang kontrata ng F2 sa Comelec. Siguro hindi natin kailangang maging BS Math para matunton ang sagot dito.
Para sa abang peryodistang ito, kontrobersyal at nakakabagabag damdamin ang mga pangyayari, hindi lang dahil maaaring humantong ito sa pagiilit ng mga pag-aari, at paghahabla sa mga kasapakat ni Duterte. Nangangahulugan na ang taongbayan ang nabudol na bahagi ng “master plan” ng mga nasa poder kabilang ang mga kasapakat nila.
Bagaman ang mga pautang sa pamamagitan ng “laway” ay hindi na bago, ang ibig sabihin marami nang nangyari na may nagpautang sa pangako nito ay babayaran. Ang foreclosure notice na ibinigay ng BDO ay paraan upang brasuhin si Uy na magbayad. Sa batas, may tinatawag na “kiting.” Ito yung nangungutang at nangangakong magbabayad base kikitain sa hinaharap. Ito ay ilegal. Pero kung nakapagbayad, malamang na ilalagda ang lahat sa tubig.
Bakit ko nasabing nakakabagabag damdamin ito? Dahil kung hindi nakapagbayad si Dennis Uy, nangangahulugan na ito sa pinakamalaking pag-ilit sa pautang sa kasaysayan ng Philippine banking. At para sa Pilipino, nangangahulugan ito sa pangalawang pinakamalaking panloloko.
Batid niyo na siguro kung ano ang pinakauna.
Si Dennis Uy ay binigyan hanggang bukas Julyo 26 upang maayos na tugunan ang abiso ng BDO. Simula pa lang ito, dahil malaki ang binitawang pera ng BDO. Kaya mag-alala ka na, Mr. Uy dahil ang slogan ng BDO ay WE FIND WAYS. Para sa mga miron kagaya ko na nakaaba sa sumisiwalat: ABANGAN ANG COMING SOON
***
KINUKWESTIYON ng marami ang pagpili ni Bongbong Marcos sa mga tatao sa Gabinete at iba’t-ibang ahensya. Nauna ang pagpili kay Clarita Carlos bilang National Security Adviser na umani ng batikos mula sa mga grupong progresibo.
Pero sa mga pinili ni BBM, matindi ang reaksyon sa pagtalaga kay Jose Calida bilang bagong pinuno ng Komisyon Ng Pagsusuri o CoA. Matatandaan na ang mismong komisyon ang nag “red-flag” sa Office of the Solicitor General kung saan itinalaga si Calida bilang kalihgim ni Duterte.
Naunang sinuri ng CoA ang OSG at inulat ang kontrobersiyal na bonus ni Calida sa sarili niya. Bukod pa rito ginamit niya ang kapangyarihan ng puwesto niya upang gumawa ng mga paratang sa mga miyambro ng oposisyon katulad ni dating senador Leila de Lima, at dating senador Antonio “Sonny” Trillanes. Batid ng marami na ginamit ni Duterte ang OSG para sa sariling kapakanan at ang pangunahing “attack dog” niya sa tanggapan ay walang iba kundi si Jose Calida. Maraming nag-aalala, kabilang si JR Santiago, isang netizen at social critic: “Giving the position of COA Chair to someone flagged by the agency for excessive bonuses can be likened to giving robbers the combination to the bank vault…”
Pero sa lahat sa ng komento na nabasa ko, ang komento ni Mitch Valdez, isang batikang artista sa pelikula, telebisyon at entablado ang kumabog sa akin: “Calida in COA is like having an alcoholic as bartender… ”
Nagawa ni Mitch na puruhan ang isyu. At para sa inyong abang-lingkod, nagugunita ko ang nabasa ko sa libro ni Dan Brown, at ito ay ang pangunahing sinabi niya sa salitang Latin: “Quis custodiet ipso custodes?…”
Sa salitang Ingles: “Who will guard the guards?…”
Sa salita ng ating lahi: “SINO ANG MAGBABANTAY SA MGA NAGBABANTAY?…”
Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “Para sa akin ang kasaysayan ay sagrado, ayoko na ito ay inaalipusta. Dito ko nalaman saan nagmula ang aking mga ninunong nagpakasakit, nagbuwis ng buhay , at nagbigay karangalan sa bayan. Ngayon ay mga tsismis lamang daw…”
– Bobot Tecson, apo ni Simeon O. Tecson
“If you don’t know history, it’s as if you were born yesterday… If you were born yesterday then any leader can tell you anything…”- Howard Zinn, American historian ,(1924-2010)
“I thought that it is the logical action of any wayward regimes to be remorseful or at least pretend to be one when they’re at their last lap so as to mitigate their blunders while they were at the corridors of power. This admin is not bent on doing it…” – Butch del Rosario
***
mackoyv@gmail.com