Advertisers

Advertisers

Mga akusasyon ng duktor sa pinaslang niyang politiko dapat imbestigahan

0 235

Advertisers

MATAGAL nang alitan ang sinasabing dahilan ng pagpaslang ni Dr. Chao Tiao Yumul sa kababayan niyang vice mayor ng Lamitan, Basilan na si Rose Farugay.

Sabi ng family lawyer ng mga Farugay na si Atty. Quirino Esguerra sa panayam ng media, nagsimula ang away nina Dr. Yumul at Vice Mayor Farugay noong 2018 nang mayor pa ang huli nang ipasara nito ang infirmary clinic ng duktor sa Lamitan City dahil sa kawalan umano ng permit mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Simula noon inatake na raw ni Dr. Yumul sa social at mainstream media media si Farugay pati na ang ilang opisyal ng LGU, dahilan para sampahan siya ng Libel at Cyberlibel na umabot sa 76 counts.



Sabi ni Atty Esguerra, walong kaso ang sumampa sa korte sa Davao City at Zamboanga City. Naisyuhan si Dr. Yumul ng mga arrest warrant. At simula Enero 2021 ay nagtago na ito.

Hanggang sa mapatay ni Dr. Yumul si Farugay na dadalo sana sa graduation ng anak na babae na magtatapos ng abogasya nitong Linggo sa Ateneo de Manila Law School sa Quezon City.

Nadamay din sa pamamaril-patay ang personal na alalay ni Farugay, habang masuwerteng hindi napuruhan ang anak ng bise allkalde. May apat pang sugatan sa insidente.

Sabi ng pulisya, dalawa ang baril na ginamit ni Dr. Yumul na nakapasok sa compound ng Ateneo sakay ng Grab taxi.

Pagkatapos ng pamamaril, gumamit si Dr. Yumul ng inagaw na kotse. Pero naharang siya ng mga tao at mga sekyu sa gate kaya siya naaresto. Nakakulong ito ngayon sa Camp Karingal at nahaharap sa patong patong na kaso, ilan ay karumal-dumal na walang piyansa.



Sa panayam ng media kay Dr. Yumul, inakusahan niya ang pamilya Farugay na ubod ng korap at drug lords sa Lamitan. Sobrang talamak na raw ang droga sa kanilang lungsod. Ang mister ng vice mayor ang kasalukuyang mayor sa lungsod. Nagpapalitan lang daw kasi ang mag-asawang ito sa puwesto.

Sinabi pa ni Dr. Yumul na ang pangalan ng kanyang pinaslang ay nasa listahan ng level 3 ng high value targets ng PDEA.

Marami raw kasi kakutsaba sa PNP at Judiciary ang mag-asawang Farugay kaya hindi ito nakakasuhan. Isa sa mga binanggit niyang kakutsaba ay isang Judge sa Zamboanga City.

Pati si dating PACC Commissioner Greco Belgica ay inupakan ni Dr. Yumul na nakipagsabwatan kay Farugay. Hindi manlang daw kasi nito inaksiyunan ang kanyang reklamo kahit may mga ebidensiya siyang ibinigay.

Sinabi naman ni Atty. Esguerra na lahat ng akusasyon ni Dr. Yumul laban sa pamilya Farugay ay pawang walang katotohanan.

Aniya, ang Lamitan City Government ay 4 times awardee ng ‘Good Local Governance’. Hindi rin daw nakasuhan ng drugs ang mag-asawang politiko.

Well, ang dapat siguro mag-certify kung sangkot sa droga o hindi ang mag-asawang Farugay ay ang PDEA.

At dapat din imbestigahan ng Ombudsman ang akusasyon ni Dr. Yumul sa mag-asawang Farugay tungkol sa korapsyon. Mismo!