Advertisers
Arestado ang 31 anyos na babae na sangkot sa ‘package delivery scam’ na ginagawa sa pamamagitan ng social media.
Kinilala ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, Officer-in-Charge ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group o PNP-ACG, ang suspek na si Marijoe Coquia, residente ng Pangasinan.
Naaresto si Coquia sa entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Cyber Financial Crime Unit at Tarlac Provincial Crime Response Team habang nagki-claim ng pera sa isang remittance center na pinadala ng kanyang biktima.
Ayon sa biktima, nakilala niya si Coquia sa social media sa pangalang “Grace Anderson”, na nagpakilalang miyembro ng U.S. Army na nakabase sa Syria.
Nang makuha ang tiwala ng biktima, humingi ito ng P110,000 kapalit ng ipapadalang package na nagkakahalaga ng $1.7 million o P94 milyon.
Matapos makapagpadala, muling nanghingi ang suspek sa katuwiran na may mga kinakailangan na bayaran na Custom taxes.
Sa sandaling ito, nagduda na ang biktima kaya’t nanghingi na ito ng tulong sa Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG), na agad naman nagplano ng entrapment operation para maaresto si Coquia.