Advertisers
HINDI na bago sa ating pandinig ang malalakas na lindol, bagyo, at pabago-bagong klima na nararanasan sa Pilipinas.
Ilan lamang iyan sa mga krisis pangkalikasan na nangangailangan ng agarang aksyon.
Kung matatandaan, noong Setyembre 2009, tumama sa bansa ang Bagyong Ondoy na sinundan ng Bagyong Yolanda (Haiyan) noong Nobyembre 2013.
Binayo rin tayo ng Bagyong Rolly (Goni) noong Nobyembre 6, 2020 at ang pinakahuli ay ang Bagyong Odette noong Disyembre 2021 na nagresulta sa malawakang pagkawasak ng mga ari-arian at pagkitil ng mga buhay.
Noong Hulyo 27,2022 naman, niyanig ng magnitude 7 na lindol ang Hilagang Luzon.
Para sa mga eksperto, malinaw na epekto raw ito ng climate change na nararanasan sa malaking bahagi ng mundo.
Ang pagbabago ng klima o climate change ang pinakamalalang epektong dulot ng global warming.
Sa ating bansa, isa raw sa epekto ng climate pattern na ito ay ang malawakang EL Niño o ang siklo ng pagkakaroon ng mainit na temperatura ng tubig sa karagatang pasipiko.
Kung tawagin ito sa atin ay malawakang tagtuyot o panahon na kung saan walang ulan ang bumabagsak at patuloy na nag-iinit ang temperatura.
Kung minsan naman, kahit panahon ng summer o tag-init ay bumubuhos ang malakas na ulan.
Ang pabago-bagong sistema ng dami ng ulan at patuloy na pagtaas ng temperatura ay nakakaapekto sa ecosystem ng mga kagubatan.
Nanganganib na masira ang mga kagubatang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng marami nating kababayan.
May magandang balita naman sapagkat dahil sa nararanasang pag-ulan at pagtaas ng mga tubig-baha bunga raw ng climate change, nagdeklara ng ‘state of climate emergency’ si Makati Mayor Abby Binay, bagay na pinuri ni Climate Change Commission (CCC) Vice Chairperson at Executive Director Robert Borje.
Nangako raw ang alkalde na gagawa ng aksyon para mabawasan ang greenhouse gas emissions sa lungsod.
Una nang naglabas ng katulad na deklarasyon ang apat pang local government units (LGUs) tulad ng Bacolod City, Cebu City, Quezon City, at Tolosa, Leyte.
Ayon kay Borje, ang climate emergency declarations ay indikasyon kung gaano kalawak ang epekto ng pagbabago ng klima sa mga lokal na komunidad.
Binalikan din ni Borje ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang mga plano ng gobyerno para sa ekonomiya at hinaharap ay mawawalan ng saysay kung wala itong gagawing hakbang laban sa climate change.
Kaya patuloy aniyang makikipag-ugnayan ang CCC sa lahat ng stakeholders upang mas mapalakas pa ang pinagsamang pagsisikap at hakbangin laban sa pagbabago ng klima at maabot ang target na “Climate Resilient and Climate Smart Philippines” sa taong 2050.
Ngunit marami pa ring nagtatanong kung dapat nga ba tayong magdeklara ng ‘state of climate emergency’ o krisis pangkalikasan?
Medyo mabigat na tanong ito lalo pa’t patuloy pa rin tayong nakikipaglaban sa krisis pangkalusugan.
Gayunman, higit sa maraming agam-agam, kinakailangan pa rin ang konkretong aksyon at paghahanda para sa mga parating pang sakuna na maaaring maganap dulot ng kalikasan.
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!