Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
ISA ang Kapamilya actress na si Dimples Romana na maituturing na adopted daughter ng Calaca, Batangas.
Katunayan, meron siyang maipagmamalaking farm sa nasabing bayan.
Bilang isang mamamayang Calaqueño, suportado niya ang idaraos na plebisito na gaganapin sa Setyembre 3, 2022 sa naturang bayan para sa ratipikasyon ng batas na nagtatakda ng pagiging isang component city ng Bayan ng Calaca, Lalawigan ng Batangas.
Ang hakbang na ito ay batay sa COMELEC Resolution No. 10799. Matatandaang noong ika-26 ng Mayo, 2021 ay nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Republic Act No. 11544 na may titulong “AN ACT CONVERTING THE MUNICIPALITY OF CALACA IN THE PROVINCE OF BATANGAS INTO A COMPONENT CITY TO BE KNOWN AS THE CITY OF CALACA”.
Ang adhikaing ito ay sinimulan ng dating Mayor Sofronio Manuel “Boogle” C. Ona at ipinagpatuloy naman sa panahon ng pamumuno ni Mayor Sofronio ‘Nas” C. Ona, Jr. Sa pamamagitan ng masigasig na pagsuporta ni dating Congresswoman Eileen Ermita-Buhain, naipasa ito sa Mababang Kapulungan at Senado hanggang sa maihapag sa Tanggapan ng Pangulo.
Ilang taon man ang lumipas bago makamit ang pangarap ng mga Calaqueño na tawaging lungsod ang Calaca, hindi natinag ang mga tagapagsulong ng adhikaing ito. Ang pagiging isang siyudad ay nangangahulugan ng higit na kaunlaran at pag-angat ng buhay at kabuhayan ng bawat mamamayan. Ilan sa benepisyo nito ay ang mga sumusunod: 1. Higit na malaking pondo para sa Bayan ng Calaca sapagkat hindi na kailangan pang hatian ang probinsiya sa mga buwis gaya ng Real Property Tax o amelyar, Professional taxes at iba pa. Gayundin, higit na malaki ang pondong magmumula sa National Tax Allocation (o dating Internal Revenue Allotment). Dahil sa dagdag na pondo ng Pamahalaang Lokal, hindi na kailangang itaas ang singil sa buwis sa mga susunod na taon. Kasama rin dito ang pagtaas ng pondo ng mga barangay kaya’t walang maiiwan sa pag-unlad. 2. Sa ilalim ng mandato ng batas sa pagiging siyudad, magkakaroon ng karagdagang opisina ang pamahalaang lungsod gaya ng City Prosecutor’s Office, City Veterinary Office, City Jail at iba pang tanggapan. 3. Lalakas ang kapasidad ng Pamahalaang Lokal upang tugunan ang mga kagya’t na pangangangailangan ng mamamayan gaya na lamang ng serbiyong pangkalusugan, edukasyon, kagalingang panlipunan, agrikultura, imprastraktura, kabuhayan na sinasalamin ng mga kasalukuyang programa sa ilalim ng NASA GAWA (NASA Isip, Isip, Ligtas, Husay, Tibay, Tiyaga, Puso, atbp.) 4. Magkakaroon ng higit malaking pondo para sa Special Education Fund (SEF) na higit na mabibigyang suporta ang mga programang pang-edukasyon ng kabataang Calaqueño gaya ng scholarship, karagdagang gamit pang-eskwela, pagsasanay para sa mga guro maging mga gusali at silid aralan. May malaking posibilidad din na magkaroon ng kolehiyo. 5. Sa pagpasok ng mga mamumuhunan, inaasahang lalakas ang komersiyo at magbubukas ang maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Calaqueño. Nanganghulugan ito ng pagtaas ng antas ng buhay at kabuhayan ng mga mamamayan. Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga kapakinabangang hatid ng pagiging isang siyudad.
Kaya naman handang handa na ang Lokal na Pamahalaan sa kampanya nito para sa pagiging ganap na lungsod ng Bayan ng Calaca. Dala ang pangarap para sa isang magandang bukas, inilatag ang mga gawaing higit na magbibigay kaalaman at hihimok sa mga Calaqueño para sa CITY OF CALACA: YES NA ALL! Magsasagawa ng misa at motorcade bilang hudyat ng opisyal na simula ng kampanya. Mula Agosto 04 hanggang Setyembre 01, 2022, magkakaroon ng mga pagpupulong sa mga barangay upang maihatid ang tamang impormasyon at upang higit na maipaunawa sa lahat ang kahalagahan ng pakikibahagi sa plebisito. Sa loob ng 187 taon, hinubog ng kasaysayan ang pamayanang Calaqueño bilang isang bayang may masidhing pagpapahalaga sa mataas na antas kaunlaran.