Manpower, police visibility hiling ni Mayor Honey sa class opening sa Aug. 22
Advertisers
HINILING ni Manila Mayor Honey Lacuna sa Manila Police District (MPD) na tiyakin na may sapat na manpower at police visibility sa pagbubukas ng klase ngayong August 22, 2022, gayundin ang police assistance desks sa bawat eskwelahan.
Ito ang sinabi ni Lacuna sa kanyang pulong sa newly-installed Manila Police District (MPD) Director, PBGen. Andre Perez Dizon sampu ng kanyang mga opisyal sa oval room ng mayor’s office.
Sa nasabing okasyon, binigyang diin ni Lacuna ang kahalagahan na panatilihin ang kaligtasan ng mga bata sa lahat ng oras at mayroon silang matatakbuhan sa oras ng pangangailangan.
Iminungkahi din ng kauna-unahang lady mayor ng Maynila na dagdagan pa ang inilagay na 79 police assistance desks sa public elementary at high schools gayundin sa mga kolehiyo at pamantasan.
Nabatid kay Lacuna na may 107 public elementary at high schools sa Maynila pa lamang.
Ito ay bukod pa sa mga bilang ng kolehiyo at pamantasan na ang konsentrasyon ay nasa tinatawag na University Belt Area sa Recto.
Mariin ding binigyang punto ni Lacuna ang pagbibigay proteksyon sa mga mag-aaral sa lahat ng uri ng bisyo lalo na sa iligal na droga at sa mga elementong kriminal na posibleng mambiktima sa mga ito.
Sa action plan na iprinisinta ng MPD kay Lacuna ay nasasaad na may 408 kapulisan ang ikakalat sa Maynila sa pagbubukas ng face-to-face classes.
Sa kasalukuyan ay may 215 paaralan na nakakalat sa buong lungsod. (ANDI GARCIA)