Advertisers
MAY ilang opisyal sa Manila City Hall na dikit pa kay Mayor Honey Lacuna ang gumagawa ng malaking pera sa pamamagitan ng pagmamaniobra sa buwis ng ilang kompanya sa lungsod.
Ang tatlo sa mga tulisan na opisyal ay nasa Department of Assessment. At ang isa ay nasa City Mayor’s Office. Actually dati silang magkakasama noong panahon ni Yorme.
Talagang nagtabaan ang bulsa ng apat na ito noong panahon ni Yorme dahil sobrang dikit kay Yorme yung isa sa mga ito at siyang nagmamando sa tatlo.
Pero kahit wala na si opisyal number 1 sa Dept. of Assessment ay tuloy parin ang kanilang sindikato. Yung naiwang tatlo ang nagmamaniobra, pero ang nasa likod ay si opisyal number 1 parin.
Ang mga kompanyang kinana nila ang buwis papasok sa mga bulsa nila ay ang kompanya para sa mga seaman, kompanyang hotel at spa, at kompanya sa realty.
Milyones ang kinana nila sa mga kompanyang ito na dapat ay sa kaban ng lungsod malagak. Tsk tsk tsk…
Ang tatlong tulisan sa naturang departamento ay sikat sa mga tawag na “Atty. Betka”, “Boss Empoy”, at “Mr. Biker”. Puros bigtime na ang mga ito ngayon. May mga mamahaling sasakyan at magagarang bahay.
Itong si Atty. Betka, na mayroong ibinabahay (condo) na JO na itinatago niya sa kanyang misis, ang siyang nakikipag-usap sa mga kliyente para mababaan o ma-exempt sa buwis at sa bulsa nila mapupunta.
Ang papel naman ni Mr. Biker ay ang gumawa ng papel bilang appraiser na iligal na pumipirma. Lupet!
At si Boss Empoy, siya ang nagsisilbing “kanang kamay” ni opisyal number 1 na pakuya-kuyakoy nalang sa opis at naghihintay ng share ng kanyang mga tirador sa Department of Assessment.
Tinatawagan natin dito ng pansin ang mahal nating Mayora Honey Lacuna, ang Commission on Audit (CoA), at ang City Treasurer’s Office (CTO). Gising!
***
Kaliwa’t kanan ang pangre-raid ng mga taga-Bureau of Customs sa mga warehouse na posibleng pinaglalagakan ng mga smuggled sugar. Inumpisahan sa San Jose del Monte, Bulacan; sumunod sa San Fernando City, Pampanga; Subic Port sa Zambales; at Guiguinto, Bulacan.
Marami pa raw warehouse ang mga nakatakdang lusubin ng BoC, sabi ng Office of Press Secretary. Ito’y sa utos narin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Well, hindi naman tayo ipinangak kahapon. Lahat ng smuggled items ay may hatag yan sa BoC. Oo! kaya nga nakakalusot dahil sa “hatag” sa mga opisyal ng bureau. Peksman! Silipin nyo ang lifestyle ng mga taga-BoC, kahit clerk dyan, milyonaryo! Tama ba ako, pareng Paul?
Kung bakit ang sisipag ngayon ng mga taga-BoC ang mang-raid ng mga pinagtataguan ng smuggled items ay dahil sa panggagalaite ni PBBM sa pagmahal ng mga asukal at iba pang agri products at pagpupumilit ng ilang opisyal ng Department of Agriculture na mag-import na ng asukal kahit tambak pa ang asukal sa mga bodega.
Yang mga opisyal ng DA na nabundat at nakalbo na sa puwesto ay kasabwat ng importer/smugglers. Pramis! Itong importers ang bumubulong sa taga-DA na mag-import na dahil aabutan ng tag-ani ng local products tulad ng asukal at bigas at bababa ang presyo ng mga ito sa merkado kapag nag-over supply. Mismo!
Dapat ituloy ni PBBM ang pagtutok sa DA at sipain, kasuhan, ipakulong ang mga taga-BoC na KORAP!