Advertisers
MALUNGKOT na balita ito para sa ating indigent senior pensioners: Malabo pa pala nilang matanggap ang buwanang dagdag na P500 sa kanilang social pension sa 2023.
Ito’y matapos sabihin ni Department of Budget and Mangement (DBM) Undersecretary Tina Rose Marie Canda na hindi kasama sa panukalang pondo (P5.268 trillion) para sa year 2023 ang increase sa social pension para sa mahihirap nating senior citizens.
Ang rason?: Bago raw kasi naging batas ang dagdag na senior pensions ay na-drawing na ang budget para sa 2023. Araguy!!!
Naging batas kasi ang dagdag pension na P500 para sa seniors noong Agosto 2 lamang.
Kaya our dearest lola’t lolo, huwag munang umasa na maging P1,000 na ang inyong pension simula Enero 2023. Malamang ay P500 parin ang matatanggap ninyo. Baka sa 2024 n’yo na mapapakinabangan ang dagdag P500 na yan. Wish ko ay buhay pa po kayo at that time…
Ito naman kasing mga mambabatas na nagtulak ng dagdag na P500 sa senior pension ay hindi agad tinukoy kung saan kukunin ang pondo para sa increase ng social pension. Basta nalang nila ito pinanday noon, kungsaan malapit na ang eleksyon, para maging mabango sila sa mga botante. Tama ba ako Senador Win Gatchalian?
Sakit ng ulo tuloy ngayon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kung saan kukunin ang pondo para rito. Dahil tiyak na siya ang mumurahin dito nina lola’y lolo. Mismo!
***
Dahil marahil sa panggigigil ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na mapabango agad siya ng todo sa masa ay nakalimutan niyang magdudulot ng malaking problema ang pamamahagi niya ng educational cash aid sa mga mag-aaral.
Sukat ba namang ianunsyo niya na lahat ng estudyante na anak ng mga mahihirap ay pagkakalooban ng cash aid para pambili ng kanilang mga gamit sa pasukan. Ayon! Dinumog sila ng mga estudyante, pati ng mga benepisyaryo ng 4Ps.
Huli na nalaman ni Tulfo na ang 4Ps pala’y para sa educational narin, kungsaan ang bawat mag-aaral ay tumatanggap ng P600, P700 at P800 kada buwan.
Binabawi ngayon ni Tulfo ang naibigay nilang cash aid doon sa mga estudyante na anak ng 4Ps beneficiaries. Tingin nyo ba, maibabalik pa yun eh naipa-rebond na yata ng mga dalagita iyon.
Well, ibabawas nalang daw ito ng DSWD sa mga matatanggap ng P4s beneficiaries.
***
Pinalulusaw na ni Senador Imee Marcos, ang “Super Ate” ni PBBM, ang Procurement Service – Department Budget of Management (PS-DBM) at Philippine International Trading Corp. (PITC) na responsable sa mga kuwestiyunableng procurement contracts ng pamahalaan.
“The series of procurement controversies that seurfaced during the pandemic must end. In fact, the CoA has reported that they go back more than a decade,” sabi ni Super Ate.
Sabi pa ni Super Ate, ang ama niya (late ex-Pres. Ferdinand Marcos, Sr) ang gumawa sa mga ahensiyang ito noong 1970s pero hindi raw ito kinakitaan ng kapakinangan, sa halip ay naging ahensiya ng kamalian at korapsyon! Mismo!!!
Sa totoo lang, mga pare’t mare, itong PITC at PS DBM ay duplication lang ito ng trabaho ng procurement department ng bawat agencies. Taman lang na buwagin na ang mga ito. Now na!