Advertisers
PATAY ang isang lolo na Person With Disability (PWD) nang pasukin at pagsasaksakin ng isang babae loob ng bahay sa Malabon City, Huwebes ng hapon.
Hindi na umabot ng buhay sa San Lorenzo Ruiz Hospital sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Joel Tud, 67 anyos, ng SAPADACA, Sitio 6, Barangay Catmon.
Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Albert Barot, ang naarestong salarin na si Beverly Sagansay, 31, businesswoman, ng 356 Feliciano Street, Barangay Arkong Bato, Valenzuela City.
Sa ulat,1:30 ng hapon nang makita ni Zaldy Tusi, 52, na pumasok si Sagansay sa bahay ng biktima at sa hindi malaman na dahilan inundayan nito ng ilang saksak sa katawan ang matanda.
Kaagad na humingi ng tulong ang saksi sa kanilang mga kapitbahay at pinagtulungan nilang madakip si Sagansay, habang isinugod naman ang biktima ng kanyang anak sa pagamutan subali’t idineklara itong dead on arrival.(Beth Samson)