Advertisers
KUNG napanood nyo ang Senate Blue Ribbon Committee hearing nitong Huwebes sa isyu ng overpricing at outdated laptops ng Department of Education (DepEd) na idinaan sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), halos parehas lang ang mga naging rason ng mga sangkot sa anomalya ng Pharmally at Department of Health (DoH).
Ang rason ni dating DepEd Secretary Leonor Briones, kaya nila ipinasa sa PS-DBM ang pagbili ng laptops para sa 68,500 teachers ay dahil kapos raw sila sa panahon, 6 months nalang daw kasi magsisimula na ang online class noong 2021. Nagsumite sila sa PS DBM ng budget na P2.4 billion para sa approved amount na P35,046.50 kada laptop.
Pero ang nangyari, ang binili ng PS-DBM na mga laptop ay yung nagkakahalaga ng tig-P58,300, dahilan para 39,583 guro lamang ang nabigyan ng laptop.
At sa kabila ng napakamahal ng presyo ng laptop na ito, nadiskubre na outdated o mabagal ang prosesor nito, reklamo ng mga titser.
Samantalang noong parehas na buwan (Mayo 2021), nagsagawa ng bidding ang PS-DBM para sa mid-range type laptop na ang unit price ay P45,431.20 lamang, mas mura ito at ang performance ng computer ay mabilis at maayos kesa sa nabili sa DepEd noong period din na iyon.
Tulad ng naging rason ni dating DoH Secretary Francisco Duque, ganun din ang palusot ni ex-DepEd Sec. Leonor Briones. Ang PS-DBM ang kanilang tinuro, sinisi. Sus… Ginoo!!!
Alam mo nang hindi nasunod ng PS-DBM ang order mo, pero tinanggap mo parin ang items. Ni hindi mo kinuwestyon kung bakit napakamahal at paano nalang ang mga guro na hindi nabigyan ng laptop?
Napakaimposible rin na inosente ka sa presyo ng mga laptop sa merkado? Eh ang tatalino ng mga opisyal at staff ng DepEd, may mga IT pa ang ahensiya. Surely alam nila ang halaga ng bawat brand ng laptop sa merkado. Peksman!
Paano rin tayo makukumbinse sa sinabi ni Sec. Briones na wala na silang panahon para ang procurement department nila ang bumili ng laptops, eh bakit ang PS DBM kaagad nakabili? Na ang mga kontraktor pang “napaboran” ay hindi pa talaga bihasa sa electronics, bago palang sa information and communications technology at ang ka-partner ay construction company. Yawa!
Ganito rin ang porma ng anomalya sa DoH-PS DBM. Yung pinaborang Pharmally ay bagong tayo palang at may kapital lamang na higit P600K pero siyang pinagkatiwalaan ng higit P8-billion na kontrata sa personal protective equiptments (PPEs).
At parehong tao lang din ang sangkot sa PS-DBM, si Atty. Christopher Lao na “bata” ng dating Economic Adviser ni ex-President Rody Duterte na si Michael Yang na sikat sa Bureau of Customs.
Kayo, mga pare’t mare, naniniwala ba kayo na walang kasalanan si Briones sa katiwaliang ito ng PS-DBM sa pagbili ng kanilang laptops? Eh bilyones ang pinag-uusapan dito. Kahit siguro nasa 90s ka na eh mararamdaman mo paring niloloko ka ng iyong ka-transaksyon, maliban nalang kung tumanggap ka ng share sa kickback, magiging manhid ka nga! Mismo!!!
Anyway, tingnan natin kung saan makakarating ang imbestigasyong ito. Subaybayan!