Advertisers

Advertisers

PS-DBM na naman!

0 212

Advertisers

SIKAT na naman ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM).
Oo! mantakin n’yo, mga pare’t mare, hindi pa nga natatapos ang usapin sa P2.4 billion overpriced at outdated laptops na pinabili sa kanila ng DepEd, may panibago na namang isyu sa PS-DBM na kinasasangkutan ng mga nakaraang opisyal ni ex-President Rody Duterte.

Nadiskubre ng Commission in Audit (CoA) na itong PS-DBM na pinamumunuan noon ni Undersecretary Christopher Lloyd Lao ay gumawa ng high-yield savings account na may lamang P3.001 billion!

Sabi ng CoA, ang naturang account sa Development Bank of the Philippines (DBP) ay ginawa higit limang taon na ang nakararaan at hindi tinukoy kung saan galing ang pondo. Lupet!!!



Inatasan ng CoA ang PS-DBM na isara ang naturang account at ang pondo ay ilagay sa national treasury.

Sabi ng state auditors: “It is not in [PS-DBM’s] mandate to make investments and it has no authority to invest in [a high-yield savings account].”

“The practice of investing cash in high-yield savings accounts, therefore, deviates from its mandate of procurement of [common use supplies and equipment] which requires utilization of funds.”

Hindi ito ang una na ang PS-DBM ay pinagalitan sa pagmintina ng high-yield savings account. Taon 2020, kinuwestyon din ito ng COA sa pagkakaroon ng kaparehong account sa Land Bank of the Philippines (LBP).

Ang PS-DBM ay inimbestigahan narin ng Kongreso sa overpriced personal protective equiptments (PPE) na pina-procure sa kanila ng Department of Health (DoH). Ito yung higit P8 billion Pharmally-PS DBM anomaly.



Dahil sa napakabantot nang imahe nitong PS-DBM na laging starring sa taunang audit report ng CoA, dapat na talaga itong buwagin tulad ng panawagan nina Senador Imee Marcos, Senate President Miguel Zubiri, Senador Koko Pimentel at Sen. Risa Hontiveros.

Ang isa pang departamento na gustong buwagin ni Sen. Marcos ay ang Philippine International Trading Corporation (PITC), na katulad ng PS-DBM ay palagi ring bida sa anomalya! Animal!

Sa totoo lang, hindi naman talaga kailangan itong PS-DBM dahil mayroong mga procurement department at Bids and awards Committee (BAC) ang bawat ahensiya ng gobyerno.

Gayundin ang PITC, dagdag budget lang sa gobyerno ito. Wala namang naitutulong ito sa pamahalaan. Yumayaman lang ang mga opisyal dito. Mismo!

Lusawin mo na ang mga ito, Mr President BBM. Now na!

***

Kung mayroon mang dapat tutukan si PBBM sa mga ahensiyang talamak ang katiwalian, ito’y ang Bureau of Customs (BoC), Department of Agriculture (DA), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Dito sa BoC, walang smuggling kung matitino lang ang mga opisyal na naitatalaga rito eh. Kaso halos lahat ng political appointees na nailalagay rito ay kulimbat.

Sa DA, wala sanang problema ang ating mga magsasaka kung hindi import-minded ang mga nakapuwesto rito.

Mas malupet sa BIR, ang daan-daang utang na buwis ng negosyante ay nagagawang pababain ng hanggang 50 percent, basta ang 25 percent ay sa kanila na mga opisyal!

Gayundin sa DPWH, ang P100 million pondo ng project ay P60 million lang naipapagawa! Resulta: Substandard!