Advertisers
“FULL SWING”, ang deklarasyon ng Commission on Elections (Comelec), kung ang pag-uusapan ay ang preparasyon sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ngunit heto na naman ang ating magigiting na mambabatas na nagnanais ma-postpone ang BSKE sa pangalawang pagkakataon na dapat noong May 2018 pa naganap.
Eto ang maganda muna nating balikan. Base sa Omnibus Election Code, noong 1982, ang termino ng mga Barangay Officials ay dapat hanggang 1988. Kaso, dahil sa EDSA 1, napalitan ang lahat ng nakaupong barangay official at pinalitan noong February 1986.
Ang mga naging Officer-In-Charge (OIC) ay naupo naman hanggang 1989 bago ginawa ang eleksiyon kung saan ang No. 1 kagawad na nahalal ang naging barangay chairman.
Nang maipasa na ang Local Government Code 1991 at naging epektibo noong January 1, 1992, ang unang SK Elections ay naganap noong December 4, 1992. At noong May 9, 1994 ang unang Barangay Elections uli, sa ilalim ng RA No. 7160 ay isinagawa.
Ang mga naupong opisyal ng barangay ay may termino hanggang June 30, 1997, kung saan noong May 12, 1997, ay muling ginawa ang halalan na nakapagbigay sa mga nanalong opisyal ng termino hanggang June 2000. Ngunit naisabatas naman ang RA No. 8524 na nagbibigay ng limang (5 years) taon para sa mga barangay officials, kaya may itinakdang halalan noong July 15, 2002, na dapat sa 2005 ang kasunod, subalit pinostponea ito para sa taong 2007 sa pamamagitan ng RA No. 9340.
Sunod sunod na postponement ang nangyari matapos noon – October 29, 2007, October 25, 2010 at October 28, 2013 hanggang nagawa naman ang RA No. 10923 na nageextend ng termino hanggang 2017 at itinakda ang halalan noong May 14, 2018.
Magandang malaman na mula 2013 hanggang May 2018 walang eleksiyon para sa mga SK Officials, kaya dahil sa RA No. 10952 itinakda ito noong May 11, 2020. Ngunit dahil sa RA No. 11462 na reset na naman ito sa December 5, 2022.
Walong urong-sulong na halalan para sa mga Barangay Officials na nagsisilbing pinaka-maliit na bahagi ng ating sistema ng pamahalaan. Ngunit sila ang ating unang takbuhan, unang responded anuman ang kaganapan.
Ngayong pang-siyam na talakayan na naman kung ipagpapaliban ang halalan para sa barangay, palagay ko naman ay dapat ng pagisipan ng ating mga mambabatas ang kanilang mga pinagagawa hinggil dito. Ang ibang nakaupong barangay opisyal ay mga lolo’t lola na o kaya naman ay hayahay na ang buhay. Kayo na ang mag-isip kung bakit.
Ang mahalaga mapermanente na ang pagsasagawa ng halalan para sa mga opisyal nito at maging ang bilang ng kanilang taon ng paninilbihan.
—