TRO ng SC sa NCAP, sinagot ng Manila City Hall
Advertisers
SUMAGOT na ang Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ni Konsehal Atty Princess Abante, Communications Head ng Office of the Mayor Honey Lacuna sa Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema sa pinaiiral na No Contact Apprehension Policy o N-CAP sa kabisera ng bansa.
Ang No Contact Apprehension Policy o N-CAP na pinapatupad ng apat na siyudad bukod sa Maynila ay bahagi ng programa na naglalayong bigyan ng mga technological solutions ang mga problema sa matinding trapiko sa buong Metro Manila at bahagi rin ito ng malawakang automation program ng lungsod
Isinagawa ang N-CAP base sa Section 16 ng Local Government Code at Ordinance No. 8092 o ang Traffic Code of the City of Manila.
Pinagtibay rin ito ng iba pang mga ordinansang nilabas ng konseho ng Maynila, partikular dito ang Ordinance number 8676 o kilala rin sa titulo na “An Ordinance Implementing the No Contact Apprehension Program (NCAP) of the City Amending for the Purpose Certain Sections of City Ordinance No. 8092 and Ordinance No. 8327 and for other Purpose” na nilabas nuong On 21 September 2020.
Sinimulang ipatupad ang Manila NCAP Ordinance nuong Disyembre taong 2020.
Base sa datos na nakalap sa pagpapatupad ng N-CAP, napansin na: Bumaba ng mahigit sa kalahati ang traffic violations at aksidente sa daan sa Maynila.
Sinasaad sa ulat ng MMDA road safety MMARAS 2021 Annual Report na “there were 1,950 fatal and non-fatal injuries recorded in the City of Manila in 2019. These injuries were reduced in 2021 to 1,033 — lower by 917 injuries or by 47%. ”
Sinasaad din sa ulat ng Manila Police District na …” 11,093 road accidents in the City of Manila in 2019. This figure drastically dropped in 2021 to 4,206 — a 62% decline. ”
“In June 2022, the recorded daily violations dropped significantly by 90%, or just four (4) violations from the thirty-seven (37) average daily violations per camera in February 2021.”
Nawala ang kotongan sa mga N-CAP areas.Bumilis ang daloy ng trapiko.Naging ligtas ang mga kalsada, hindi lamang sa mga sasakyan kungdi sa mga naglalakad at nagbibisikleta
Sa kabila ng libo-libong nakinabang sa mas maayos at mabilis na daloy ng trapiko araw-araw sa loob ng halos tatlong taong pagpapatupad sa Manila NCAP, may iilang pong boses ang naghayag ng puna at batikos sa N-CAP.
Lagi pong bukas ang mga tanggapan ng Lungsod ng Maynila para sa tumanggap ng anumang reklamo at pati na rin sa N-CAP. Sa katunayan po, may adjudication board po ang naturang sistema kung saan maaaring i-kontest ng motorista ang Notice of Violation.
Gayung naihain ang petisyon laban sa N-CAP sa Korte Suprema at inutos ang pansamantalang pagtigil sa implementasyon ng N-CAP, susundin po ng Lungsod ng Maynila ang Temporary Restraining Order sa oras na natanggap po ito.
Nauunawaan namin at itinataguyod ang karapatan ng sinomang mamayan na kwestyunin ang anumang gawain ng pamahalaan tungo sa ikabubuti ng lahat.
Batay sa mga petisyon na sinampa sa Korte Suprema, sinasabi nitong may mga pagkukulang at problema ang N-CAP. Nararapat lamang na pag-aralang mabuti sa korte ang mga naturang mga puna at sinasabing mga problema sa N-CAP ng gayo’y mabigyan ito ng resolusyon.
Sinabi pa ni Abante na kung anuman ang kahinatnan ng pagsusuri at pagtitimbang sa mga batikos laban sa N-CAP, makakatiyak po ang mga mamamayan na magpapatuloy ang pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na gawing maayos ang daloy ng trapiko sa mga kalsada nito. (ANDI GARCIA)