Advertisers

Advertisers

Cedula dapat nang buwagin!, at Senador Villar bagay na Agriculture Secretary

0 250

Advertisers

SANG-AYON ako sa isinusulong ni Senador Chiz Escudero na lusawin na ang Community Tax Certificate System o Cedula sa anumang government transactions dahil napakarami na nating binabayarang tax, halos 60 percent ng ating kita ay sa pagbubuwis napupunta, at halos lahat ng transactions sa gobyerno ay mayroon nang bayad.

Hindi narin kailangan para gawing Residence Certificate ang cedula dahil mayroon nang National ID na nandoon na lahat ng ating pagkakakilanlan pati mukha natin nakarekord na sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Oo! Dagdag gastos lang itong Cedula na sa totoo lang ay walang gamit sa buhay at hanapbuhay. Sabi nga ng ating bayaning si Gat. Andress Bonifacio, “kapirasong papel lang” ito kaya kanilang pinunit!



Kaya our dearest lawmakers, suportahan ninyo itong Senate Bill No. 889 ni Senador Escudero na bumubuwag sa Cedula bilang isa sa mga requirement sa ilang transaksyon sa gobyerno! Panahon pa ng mga Kastila ito, kungsaan naging paraan nila para makalikom ng buwis sa atin na mga Filipino. Mismo!

***

Pinagbibitiw ni Senadora Cynthia Villar ang mga opisyal ng Agriculture department na wala pang usad sa mga proyektong kanilang hinahawakan.

Paano kasi, iisa lang ang gusto mangyari ng mga opisyal ng Agriculture, ang mag-import nang mag-import dahil malaki ang komisyon nila rito. Nasanay kasi ang mga animal kay dating Kalihim William Dar!!!

Teka, bakit hindi nalang si Senadora Cynthia ang ilagay ni Pangulong BBM bilang kalihim ng DA? Tutal kabisado na niya ang mga problema sa DA. Say n’yo, mga pare’t mare?



***

Nagwawala ang mga miyembro ng PAMALAKAYA sa Navotas laban sa proposed 650-hectare reclamation sa Manila Bay.

Kapag nangyari kasi ito, mawawalan ng hanapbuhay ang mga maliliit na mangingisda at magtatahong. Magiging sementado na kasi ang erya na pinagkukunan nila ng hanapbuhay.

Ang isa pa sa magiging malaking problema kapag natuloy ang malaking reclamation sa Manila Bay ay ang malawakang pagbaha sa Metro Manila. Sigurado yan!

Ang magiging masaya lamang rito ay ang mga taong nasa likod ng mapangahas na proyektong ito. Kasi bilyones ang kikitain nila rito. Mismo!

***

Sampung bilyong piso, hindi P5 bilyon na unang inanunsyo ng COMELEC, ang dagdag na magagastos ng gobyerno kapag na-postpone ang Dec. 5, 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at i-reset ng 2023, sabi ng tserman ng Commission on Elections na si George Garcia.

Ito’y dahil kailangan na naman nilang magbukas ng voters registration, mag-update ng election paraphernalias, bayad sa training at honoraria ng mga guro na gagamitin sa eleksyon, etc…

Kaya hindi nakakatipid ang gobyerno sa paulit-ulit na postponements ng BSKE, sa halip ay doble gastos pa. Tulad ngayon, gumastos na ng halos isang bilyon ang Comelec sa voters registration, nakabili na ng mga gagamitin sa halalan at mag-i-imprinta na ng mga balota. Masasayang ang lahat nang ito ‘pag na-postpone ang eleksyon sa Disyembre.

Sabi ng COMELEC, nasa 80 percent na ang kanilang preparasyon para sa BSKE. Kaya ipatuloy n’yo na ito, Mr. President! ‘Wag nyo gayahin si ex-PDut na 2 beses kinansela ang BSKE during his time tapos kinurakot lang ang pondo!