Advertisers
UMAKYAT na sa siyam ang nasawi sa ‘acute gastroenteritis’ habang pumalo narin sa 354 ang kaso ng naturang sakit sa Iloilo city.
Sa pahayag ni City Health Office (CHO) officer-in-charge Dr. Annabelle Tang nitong Lunes, ang pangsiyam na nasawi ay isang 9-taon gulang na batang lalaki mula sa Sto. Niño Sur, Arevalo, habang nadagdagan naman ng 8 kaso ang cholera.
Ayon kay Tang, 6:00 ng umaga ng Sept. 2 nakaranas ng sintomas ang bata subali’t makalipas ang ilang oras pagsapit ng 5:00 ng hapon, binawian rin ito ng buhay.
Samantala, nakarekober ang 191, habang ang 93 ay naka-confine sa ospital, at nakauwi na rin ang 61 sa kanilang tahanan.
Ayon naman kay Dr. Roland Jay Fortuna ng CHO, na-inspeksyon na nila ang 10,855 deep wells na kungsaan ang 541 ay kanila nang nilagyan ng chlorine, habang inirekomenda na ipasara ang 25.
“That is why we are asking the help of our compliance team and others to help in the cleanup and in chlorinating of our wells,” wika ni Fortuna.
Dagdag pa ni Fortuna, sa 241 water refilling stations na nasa listahan ng CHO staff, 188 ay na-inspeksyon, habang nadiskubre na hindi sumunod sa alituntunin ang 50.
“Unang walo ang sarado at 21 pa ang isasara sa mga susunod na araw ngayong linggo,” dagdag niya.
Ang mga hindi sumusunod, ang mga gumagana ng walang kinakailangang mga dokumento tulad ng permit at water potability test, habang ang mga istasyong makikitang kontaminado ay pansamantalang isasara para sa muling pagsusuri.
Bukod sa water re-testing tulad ng sa water refilling stations at paglilinis at chlorination para sa mga balon at humihingi narin sila ng tulong sa lokal na pamahalaan at mga mamamahayag para sa kampanya ng kanilang adbokasiya.
Idinagdag din ni Tang na humingi din sila ng tulong sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), City Engineer’s Office (CEO) at Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng Tulong Pangkabuhayan para sa mga Disadvantaged/Displaced na manggagawa upang tumulong sa paglilinis ng mga balon sa mga barangay, lalo na iyong malapit sa mga septic tank.