Advertisers
IPINATIGIL pansamantala ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP sa buong bansa makaraang kuwestiyunin ang ligalidad nito na sinasabing labag sa ating Saligang Batas.
Sa palagay ko naman ay maraming natuwa lalo na sa sektor ng transportasyong panlupa pero malungkot naman siyempre ang mga nagpatupad nito dahil sa tingin nila ay walang masama sa sistema ng NCAP.
Ayaw kong pag-usapan natin kung ang NCAP ba ay tamang gamitin ng gobyerno o kaya naman ay wala itong nilalabag sa ating Konstitusyon kung ang sisilipin ay ang pribadong impormasyon ng mga kababayan natin sa sistemang ito.
Ang pinakahuling balita sa NCAP ay ipinatigil ito sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order o TRO habang wala pang interprestasyon ang Korte Suprema kaugnay sa mga isyung ligal ng naturang polisiya.
Ang nakadidismaya lang ay kung gaano kabilis ang pagpapatupad ng NCAP ay siya naman sobrang bagal ng gobyerno na bawiin o pansamantalang ihinto ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa polisiya na ito.
Opo… taumbayan! Marami sa ating mga kababayan ang hindi makapag-rehistro ng kanilang sasakyan na may rekord sa NCAP dahil dapat muna ay bayaran ang kaakibat na multa nito bago tuluyang pumayag [daw] ang Land Transportation Office (LTO).
Ang sabi noon una ni LTO ay si lokal na pamahalaan ang dapat magtanggal ng tinatawag na ‘tagging’ o ‘alarm’ habang may usapin sa Korte Suprema pero kapag nagpunta ka sa munisipyo ay si LTO naman ang itinuturo.
Hiniling din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa LTO na tanggalin ang ‘tagging’ sa lahat ng nahuli ng kanilang NCAP pero noong nakalipas na linggo pa may anunsiyo ang LTO na tinanggal na nila lahat ng ‘tagging’ o ‘alarma’ ng NCAP sa buong bansa.
Ano ba talaga, mga Kuyakoy? Nalilito na ang ating mga kababayan kung sino o anong ahensiya ng pamahalaan ang kanilang pupuntahan para sa problema sa ‘tagging’ na iyan para mairehistro ang kanilang sasakyan.
Kanya-kanyang bida noon ang mga ahensiya o sangay ng gobyerno na nagpatupad ng NCAP, super bilis nila noon pero ngayon ay nagtuturuan na sila kung sino ang may problema sa ‘tagging’. Sobrang bagal naman nila!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com