Advertisers
SIGURO naman ay nabalitaan niyo ang pagkakaaresto sa isang pulis na nahuling naglalaro ng ‘slot machine’s sa loob ng casino ng Resort World Manila, noong nakaraang buwan lamang.
Naging babala ito para sa iba pang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na pakaang-kaang lamang sa kanilang sinumpaang tungkulin at trabaho.
Katunayan noong Aug. 30 tatlong araw matapos siyang naaresto, naindulto na si Maj. Rolando Isidoro sa kasong paglabag sa Article 231 ng Revised Penal Code at paglabag sa Memorandum Circular No. 6, series of 2016, na nagbabawal sa lahat ng kawani ng pamahalaan lalo na ang ating kapulisan at mga military personnel sa paglalaro sa mga casino.
Ito ay para balaan din ang iba pang pulis at itanim sa kanilang mga isipan, na ang pamunuan ng PNP ay seryoso at determinado sa pagpapatupad ng mga kautusan nito, katuwang ang Simbahan at mga komunidad upang malinis ang kanilang hanay.
Sabi nga ni Brig. Gen. Warren de Leon, ang namumuno sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng PNP, nasa may katawan naman ang pagpasya. Kung nais ng isang pulis na magpakaang-kaang lamang, ay nasa kanya iyon. Kapalit nga lamang kapag siya ay nahuli, ay di lamang kahihiyan, kung di pati ang pagtatanggal sa kanya sa trabaho.
Patuloy nga raw gagawin ng PNP ang paglilinis sa kanilang hanay, sabi ni De Leon para mawala ang mga dumudungis sa imahe ng kapulisan. Nakaangkla raw nga ito sa “Malasakit” na parte ng “MKK=K” o “Malasakit, Kaayusan at Kapayapaan tungo sa Kaunlaran” na bahagi ng peace and security framework ni PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr.
Ipinihit at nire-focus ang kampanyang ito sa paghahangad na mapabuti pa ang paglilinis sa hanay ng kapulisan at mapa-igting ang ‘monitoring at validations’ ng mga sumbong laban sa mga pakaang-kaang na pulis, nang hindi rin nasasagasaan ang kanilang sariling mga karapatan.
Pag-uulat pa ni De Leon, mula nitong August, may labing-dalawang (12) ‘law enforcement operations’ na ang nagawa ng IMEG, at nalambat nito ang labing-apat (14) na kanilang kabaro dahil sa iba’t ibang uri ng paglabag ng kautusan ng pamunuan ng PNP.
Sana nga, ang mga ganitong gawi ng IMEG ang makapagpaliwanag ng kaisipan ng mga miyembro ng PNP at piliin nila ang makabubuti sa kanilang career at pamilya. Dahil ito ang talagang ganda ng buhay.
Maganda ang buhay kung may taglay kang dangal, integridad at respeto.