Advertisers
May 101 na mga distressed OFWs mula Jeddah Saudi Arabia ang dumating na sa bansa sakay ng Saudi Airlines flight SV-870 na lumapag sa NAIA terminal 1 kamakailan.
Kasabay nilang dumating ang mga kinatawan ng OWWA at Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople na ilang araw ding namalagi sa Saudi para personal na asikasuhin ang problema ng mga naturang OFWs.
Ayon kay DMW spokesman Tony Nebrida, nagtutulong-tulong ang Philippine Embassy, DMW at OWWA para sa pag-repatriate sa higit 100 OFWs na pawang nagkaproblema sa nasabing bansa.
Nakikipag-ugnayan naman ang POLO sa Jeddah at Alkubar sa mga awtoridad sa Saudi Arabia para maisaayos ang mga dokumento ng mga distressed OFWs pauwi sa Pilipinas.
Isa si Annalyn Froilan, 39, tubong Zamboanga del Norte, sa 101 na natulungan ng pamahalaan para maiuwi sa bansa.
Sinabi ni Annalyn na dalawang taon lang ang kontrata niya sa amo nito sa Jeddah pero hindi na umano siya pinayagang makauwi ng Pilipinas kaya’t umabot siya ng apat na taon sa kanyang amo at kalaunan ay napilitan siyang tumakas.
Karamihan sa napauwing OFW ay may ibat -ibang kaso, at ilan sa kanila ang nagkaproblema sa kanilang trabaho.
Sinabi ni Nebrida na simula sa November ay maari nang mag-deploy ng skilled workers sa Saudi Arabia.
Gayunman, iginiit ni Nebrida na suspindido pa rin ang pagde-deploy sa mga household service workers sa nasabing bansa.
Ilan sa mga OFWs na hindi kumpleto ang bakuna ang dinala sa quarantine facility at doon sila mananatili ng ilang araw, habang papayagan naman na makauwi sa kanilang pamilya ang mga OFW na fully-vaccinated na. (JERRY S. TAN / JOJO SADIWA)