Advertisers

Advertisers

Ang bumili ang mismong panagutin sa isyu ng ‘overpricing’

0 214

Advertisers

NAPAPANSIN ko lang sa mga kontrobersiyang iniimbestigahan ng Kongreso, ang kadalasang nasisisi at naiipit ay ang nagbebenta sa halip na ang bumibili.

Samantalang hindi naman ipipilit ng nagbebenta ang kanyang produkto kung ayaw ng kliyente, right?

Ang mga negosyante, hangga’t maaari ay ayaw masira sa kanilang kliyente dahil kapag nasira sila, sira rin ang kanilang negosyo, wala nang magtitiwala sa produkto nila. Mismo!



Tulad halimbawa sa transaksyon ng Pharmally at Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa pagbili ng facemask/face shields; at Sunwest Construction and Developoment/LDLA Marketing and Trading Inc. at PS-DBM sa pagbili ng laptops na inimbestigahan na ng Kongreso. Ang mga kinasuhan lamang dito ay ang mga supplier (nagbenta) habang ang mga taong gobyerno na kliyente ay tila nalibre sa anumang pananagutan samantalang ang mga ito ang numero unong dapat papanagutin kung mayroon mang katiwalian.

Ang negosyante ang lakad niyan ay ang kumita, maibenta ang kanilang produkto. Kapag nai-deliver na nila ang produkto at aprub sa kliyente, kukunin nila ang bayad.

Ikaw naman na kliyente, ‘di ba bago mo bayaran ang produkto ay tinitingnan mo ito kung maayos? Kung may deperensiya, hindi tugma sa kailangan mo, siempre ‘di mo kukunin, right? At mayroon pang batas na kapag may problema ang binili, ito’y puwedeng palitan. Mismo!

So, bakit kapag nagkaroon ng imbestigasyon, ang palaging naiipit, nakakasuhan ay ang supplier habang ang kliyente ay nalilibre sa pananagutan? Maling mali, ‘di ba?

Sa mga kasong ito, kailangan nang mabago ang sistema ng pagninegosyo sa bansa, lalo na nga sa aspetong ang gobyerno ang katransaksiyon ng negosyante na mula sa pribadong sektor. Hello…,Congress!!!



***

Sa transaksyon ng suppliers at gobyerno, may mga aspetong diskuwalipikasyon sa mga bidding. Dahil may mga kasali na ‘di tugma sa kagustuhan ng ahensiyang katransaksiyon ang iniaalok na serbisyo o produkto na sa kabilang panig ay binibigyan din ng pagkakataon na baguhin para magkaroon parin ng tsansa na makalahok.

Pero pagdating sa mga imbestigasyon, uulitin ko, ang kadalasang nadidiin ay ang supplier na nanalo sa kontrata (bidding).

Oo! Sa bahaging ito lagi natutuon ang atensiyon gayung ang negosyante ay sumunod lamang sa kagustuhan ng kanilang katransaksiyon. Mismo!

Pero ang nangyayari ay sila ang nalalagay sa gitna ng kontrobersiya lalo na pagdating sa aspetong pinansiyal, na kadalasang ang tinutumbok ay overpricing, at nawawala na sa eksena ang pinagmulan ng mga detalye na dapat ay sila mismo ang masisi.

Dito sa partikular na usapin sa DepEd, dapat ay makabuo na ang mga mambabatas ng mga klarong patakaran para maging maayos na ang mga susunod na transaksiyon na kapapalooban ng mga supplier sa pribadong sektor.

Kung dito sa nagaganap na imbestigasyon ay walang mabubuong klarong sistema, tiyak mauulit lamang ang mga naunang pangyayari na lalabas na kawawa ang mga nanalong bidder sa proyekto pero ang mga gumawa ng detalye ay pakuya-kuyakoy lamang sa malamig nilang tanggapan.

Kumusta na kaya si Lloyd Christopher Lao?