Mayor Honey, nanguna sa 37th International Coastal Clean-up

Advertisers
NANGUNA si Manila Mayor Honey Lacuna sa 37th International Coastal Clean-up activity sa Baseco Beach nitong weekend, nang may panawagan sa lahat ng mga barangay officials na tumulong na maitanim sa isipan ng kanilang mga residente ang kahalagahan ng disiplina sa pagtatapon ng basura at nang mahinto na ang polusyon sa ating mga katubigan.
Pinasalamatan ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila ang pagtulong at pagsisikap na ginawa ni Department of Public Services officer-in-charge Kayle Nicole Amurao, barangay officials, Team Mandaragat, Baseco Beach Warriors at Estero Rangers dahil sa patuloy nilang pagpapakita ng malasakit sa pagpapanatili ng kalinisan sa mga baybayin at ilog na nasa hurisdiksyon ng lungsod ng Maynila.
Sa kanyang munting mensahe bago nagsimula ang cleanup, sinabi ng babaeng alkalde na ang yearly cleanup activity ay nagsimula noong 1986 o 37 taon na ang nakakaraan. Pero ang malungkot sa kabila ng mga pagsisikap na maisalba ang mga katubigan hindi lamang sa bahagi ng Maynila kundi maging sa ibang lungsod, ang polusyon ay nananatili.
“Ang pangunahing dahilan ng polusyon sa tubig ay pawang disiplina ng sangkatauhan. Kaya’t kasabay nitong paglilinis natin ngayong umaga ay ang panawagan natin sa lahat ng mamamayan di lamang sa mga nakatira malapit sa mga pampang, kundi sa lahat ng taong bayan na ayusing mabuti ang pagtatapong kani-kanilang basura araw-araw,” sabi ni Lacuna.
Sa nasabing okasyon, nanawagan din si Lacuna sa lahat ng mga opisyal ng 896 barangays sa lungsod ng Maynila na palagiang paalalahanan ang kanilang mga nasasakupan nang suporta at makiisa sa pangangalaga ng kapaligiran.
“Maging bahagi tayong lahat, ‘di lamang ang pamahalaan, kundi bawat isang mamamayan, magkaroon ng sinserong pakikisangkot at pakikibahagi sa pangangalaga ng ating kalikasan,” ayon sa alkalde.
Partikular na binanggit din ni Lacuna ang dedikasyon at sakripisyo ng mga kawani ng DPS na lumulusong sa marumi at mabahong mga ilog, sapa at imburnal para lamang mangolekta ng basura para hindi magbara sa drainages at upang maiwasan ang mga pagbaha sa lungsod.
“Saludo ako sa inyong tiyaga at malasakit. Maraming, maraming salamat!,” pahayag ni Lacuna. (ANDI GARCIA)
Andi