Advertisers
NAGTANONG sa amin ang ilang netizen kung sino si Col. Arturo Aruiza, ang may-akda ng aklat “Malacanang to Makiki” na nagdetalye ng buhay ni dating diktador Ferdinand Marcos bilang destierro (exile) sa Hawaii. Itinatanong kung ano ang credential ni Aruiza upang ilahad ang mga detalye ng buhay ni Marcos matapos siyang sipain ng taong-bayan sa mapayapang 1986 EDSA People Power at nawala sa poder.
Si Aruiza ang matapat na aide-de-camp ni Marcos. Kasama siya ni Marcos mula 1966 hanggang mamatay sa Hawaii noong 1989. Isa siyang sundalo at nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA). Isinalaysay niya na napansin siya ni Marcos noong pagbawalan niya sa isang pagtitipon si Marcos na huwag pumunta sa isang lugar dahil pa umano nagkaroon ng security check ang lugar. Pagkatapos ng pagtitipon, ipinatawag siya ni Marcos at ginawang isa sa mga aide-de-camp. May kapangyarihan ang pangulo na magkaroon nga mga kasamang sundalo dahil siya ang Commander-in-Chief ng Sandatahang Lakas.
Isinama ni Marcos si Aruiza nang tumalilis sa kasagsagan ng himagsikan noong 1986. Iniwan ni Aruiza ang kanyang pamilya dito at nagsilbi siyang katulong ni Marcos kahit wala na sa poder. Marami siyang itinabing dokumento, kasulatan, at katibayan upang patunayan ang laman ng kanyang aklat na isinulat at inilimbag pagkatapos namatay si Marcos noong 1989. Lumabas ang sipi ng kanyang aklat noong 1991 at 1992.
Maraming ginawa si Aruiza bilang aide-de-camp. Siya ang kalihim, alalay at bodyguard, tsuper, tagabigay ng gamot, tagatulak ng wheelchair, tagapag-alaala ng mga nakalimutang bagay at detalye, katapatan, at sa maraming okasyon, tagapayo ng pinatalsik na diktador. Maraming isiniwalat na lihim sa kanya bagaman hindi niya sinabi lahat sa kanyang aklat. Pinili ang ilang lihim na sasabihin at marami ang kanyang dinala sa hukay. Namatay na si Aruiza.
Ayon kay Aruiza, dahil sa mga kumalat na balita na may nakaw na yaman si Marcos, naging bato-balani siya sa maraming manggagantso at manloko na nais kumita ng limpak-limpak na salapi. Hindi inilihim ni Aruiza ang mapait na lihim na maraming nagsamantala sa mga Marcos. Naging biktima sila, sa maikli.
Ikinuwento ni Aruiza kung paano niya nakita ang asawa umano ni Nguyen Cao Ky, dating pangalawang pangulo ng South Vietnam, na nagmamadaling umalis sa bahay ng mga Marcos na dala-dala ang isang itim na maleta na naglalaman ng mga alahas ni Imelda Marcos na umabot sa halagang $2 million. Nawala ang mga alahas n Imelda at tinangay ng asawa ni Cao Ky. Hindi na siya muling nakita. Napabalitang lumipat siya sa U.S. mainland. Hindi malinaw kung sino si Mrs. Cao Ky dahil may dalawang asawa umano ang napatalsik na lider ng South Vietnam.
Isinalaysay ni Aruiza ang madulang pag-uusap noong kalagitnaan ng Hunyo, 1986 sa pagitan ni Marcos at Gen. Fabian Ver, ang kanyang AFP chief of staff na sinisisi sa pagbagsak ni Marcos. Nagpaalam noon ni Ver kay Marcos na lilisan papunta sa isang siyudad sa Asya – Singapore – upang doon na tuluyang manirahan.
Ito umano ang unang pagkakataon na naghiwalay si Marcos at Ver. Sa unang pakiwari ni Aruiza at mga kasama, aalis si Ver upang trabahuin ang pagbabalik ni Marcos sa Filipinas. Hindi pala ito totoo, aniya. Dahil sa tagal ng lumipas na panahon, napagtanto nila na hindi ito ang layunin. Napagtanto nila na tuluyang naghiwalay ng landas si Marcos at Ver. Hindi epektibo si Ver dahil sa dami ng posisyon na hinawakan. Hindi niya nakaya ang mga tungkulin, aniya.
Hindi lang mga Amerikano ang nagtangkang manloko kay Marcos. Mayroon mga Filipino na nagbalak na magkamal ng pera mula sa kanya. Dalawang retiradong koronel ang nangahas na humingi ng P400 milyon kapalit ang kanilang pangako na trabaho ang pagbalik ni Marcos sa Filipinas. Hindi umano kumagat si Marcos. Nagkalat umano ng intriga ang dalawang dating opisyal militar. Sinabi nila kay Marcos na nagtratrabaho si Aruiza sa U.S. Central Intelligence Agency (CIA) at sinasabihan niya umano si Ramos ng mgas pangyayari sa Honolulu.
Isang manloloko na nangangalang Richard Hirchfeld ang nagtangkang gantsuhin si Marcos. Tumawag siya at ginaya ang boses ni Muhammad Ali, ang boksingerong nasa Maynila noong 1975 para sa “Thrilla in Manila,” kung saan nakalaban niya si Jose Frazier. Sinabi ni Hirchfield na inutusan siya ni Ali upang tumulong sa pagbabalik ni Marcos sa Filipinas.
May kasama si Hirchfield na nangangalang Richard Chastain. Sinabi nila ang mapapabalik nila si Marcos dahil may mga kakutsaba sila sa AFP guys. Bibili sila umano ng mga armas at uutang ng $25 million mula sa isang prinsipe sa Saudi Arabia. Hindi kumagat si Marcos, aniya.
Binanggit din ni Aruiza ang mga aktor at aktres na bumisita kay Marcos: Sharon Cuneta at ang kanyang ina na si Elaine; Leroy Salvador at kapatid na si Alona; producer Vic del Rosario at wife Mina Aragon; Vivian Velez; ang mang aawit na si Becca Godinez, Cecilia Azarcon, Florante, at Hajji Alejandro; Chichay, Bert Marcelo, Herbert Bautista, at Lirio Vital. Nagpunta din sina Marichu Maceda, Imelda Papin, at concert singer Ida Ong. (Itutuloy)
***
HINDI kami kumporme na pagbawalan ng PBA ang kanilang manlalaro na pumunta sa ibang liga sa ibang bansa. Wala silang karapatan na pigilan na kumita ng disente ang mga manlalaro. Kumikita umano ng hindi bababa ang isang player ng basketball ng hindi bababa sa P1 milyon sa B-League sa Japan. Ganito rin kalaki ang ibinibigay ng Korean League. Maski ang mga babaeng manlalaro ng volleyball ay tumatanggap ng ganito kalaki.
May isa akong post sa social media tungkol sa isyu na ito: “Thousands of Brazilian football players play in foreign countries. The best ones mostly play in European leagues, which reputedly pay a much higher salary level than local Brazilian teams. European teams that covet the outstanding players in the Brazilian leagues have to pay excessive transfer fees to get these good Brazilian players. PBA could adopt the Brazilian rules for transfer of its players to foreign leagues of which its teams pay an average monthly salary of P1-M to a Filipino player who could play to their desired level of play. The PBA can’t stop its players from going abroad for better pay. This is not only illegal but morally wrong. But its teams can impose transfer fees for its players who are under contracts.” Oo nga, bakit hindi na lang magkaroon ng transfer fees?
May isa pa akong post: “Aa a rule, PBA can’t stop its players from going abroad to play to earn a decent living. There’s no law stopping them from earning decently. But it can sanction its players, who have live contracts with its teams in the league. The sanctity of these contracts and their obligations should be upheld. Foreign leagues who covet PBA players with live contracts must pay transfer fees to their teams. The PBA does not have the moral right to stop its players, who go abroad and get paid salaries much, much higher than what PBA teams give. Hindi dapat magtiis ng gutom ang mga manlalaro dahil sa kasakiman ng mga PBA team.”
***
MGA PILING SALITA: “Leni apologist? Why are we apologists when she did not do anything that she should be sorry for? Hello? She’s not the one who faked her diplomas nor ordered someone to kill Muslims in Corregidor.” – Ywet, netizen
“Hindi ko maubos-maisip kung bakit ang Dept. of Education may budget para sa confidential funds pero wala itong budget para sa children with learning disabilities at special needs.” – Ellen Sicat, netizen