Advertisers
Masyadong dukyot at walang kadating-dating ang isang police detachment dito sa lungsod ng Maynila na pwedng pagkamalan bodega o dili kaya’y junkshop.
Gawa ito sa mga lumang kahoy na halos pwedeng ipanggatong at ni hindi man lang ito pininturahan kung kaya’t pag ito ay iyong tiningnan ay walang pinagkaiba sa bahay ng posporo.
Ang ating tinutukoy ay ang Lico police detachment sa panulukan ng Rizal Avenue at Lico st., sa Sta. Cruz, Manila. Ito ay nasa ilalim ng command ng Manila Police District (MPD)-PS-7 sa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo, Manila.
Maski na siguro batang munti ay hindi iisipin na ito ay isang police detachment o outpost man lang dahil kumbaga sa tao ay wala itong kabuhay-buhay. Mas magandang ‘di hamak ang mga command post ng barangay.
Ayon sa mga residente na nasasakupan ng nasabing detachment, palagi daw itong sarado at madalas na naka padlock ang mga pintuan na para bang may milagrong nagaganap.
Baka daw seminaryo ito at hindi isang police detachment dahil napakahirap daw pumasok dito at mas lalong mahirap na matagpuan ang mga pulis na nakadetine dito.
Napag-alaman din natin na ito ay ginawang sariling opisina ng mga pulis na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit (DEU). Ito lang daw ang unit na nawalay sa PS-7 dahil para daw may sarili itong programa na tanging droga lang ang trinatrabaho..
Huwag kayo at talagang super wow ang pangitain dito dahil bagama’t bulok na bulok daw ang detachment ay pawang magara at mga modelong sasakyan ang naka-park dito na kinabibilangan ng SUV at mga maborgang motor na pag-aari daw ng mga operatiba.
Alangan sa itsura ng kanilang detachment ang mga nakaparadang sasakyan at mga motor ng mga pulis na naka-detalye dito, bonggang bongga day!
Iba rin sa lahat ang nasabing detachment sa iba pang himpilan ng pulis, BAKIT KAMO? Dahil ito lang ang himpilan na wala man lang neon sign, karatula o tarpaulin man lang na mababasang ito ay isang himpilan ng pulis he… he… he…
Maging bandera man lang ng Pilipinas ay wala kang makikita dito kung kaya’t lumalabas na hindi sila kabilang sa gobyerno.
Mga sir, mga idol… pagandahin niyo naman ang inyong tinatarimahang opisina dahil ito ang suma-salamin sa personalidad at buong pagkatao niyo, ‘di po ba?
May balita rin na ang departamento niyo ang pinaka-malakas kumita araw-araw, gabi-gabi hanggang madaling-araw kaya’t wala na kayong dahilan upang di niyo beautify ang inyong detachment, parang kamot lang sa likod iyan mga sir.
Nakita na kaya ng bagong upong PS-7 Commander Lt.Col. Jonathan Villamor ang inyong kuta, wish lang namin na makita niya at baka personal at siya mismo ang magpagawa nito o kaya naman ay siya mismo ang mag-pagiba nito.