Advertisers

Advertisers

Kampanya sa illegal gambling ng PNP moro-moro, nagpapakilala lang para sa ‘timbre’

0 5,815

Advertisers

SA tuwing nagpapalit ng liderato sa PNP, ang unang tirada agad nito ay “all out war” laban sa mga iligal na sugal. Kaliwa’t kanan ang panghuhuli sa mga nagpapataya, pati sugal sa lamay ng patay dinadakip.

Ang ganitong kampanya kuno ng pambansang pulisya ay nangyayari tuwing may bagong upo na Chief PNP. Tumatagal ito ng isa hanggang tatlong linggo, tapos balik uli ang operasyon ng illegal gambling operators.

Pero ang kaawa-awa sa moro-morong kampampanyang ito ng PNP ay ang mga nagpapataya, kumikita lang sa pamamagitan ng kapiranggot na porsiyento sa kanilang pataya at balato sa nanalo. Na kapag nahuli ay piyansa ng P30K o kaya’y kulong ng ilang linggo o buwan kapag walang pang-ayos sa kaso, Presidential Decree 1602 (Anti-Illegal gambling law).



Samantalang yung illegal gambling operators o gambling lords ay libre sa kaso. Gayung kilalang kilala naman sila ng mga operative ng PNP.

Oo! Kilalang kilala ng kahit sinong opisyal ng PNP kung sino-sino ang gambling lords sa bansa.

Kahit mga politiko partikular mayor kilala nila kung sino ang gambling lords sa kanyang lugar. Pramis!

Pero bakit kapag may operasyon laban sa illegal gambling ay ang mga nagpapataya at players lang ang dinadakip? Kasi kapag hinuli nila ang mismong operator ng sugal, wala nang magpapalaro at wala na silang makokolektahan ng lingguhan. Mismo!

Ang bawat police detachment, station, headquarter ay mayroong kanya-kanyang “kolektor”. Yes! Umiikot ito linggo linggo sa mga nagpapasugal at nire-remit sa kanilang hepe. Ang mga kokeksyong ito sa mga iligal na sugal ay umaabot hanggang sa tanggapan ng Chief PNP.



Ang Chief PNP ay mayroon din sariling “bagman” na bagsakan ng koleksyon mula sa mga iligal. Kinokotahan nito ang bawat hepe ng rehiyon, provincial o district.

Kaya naman nagkakaroon ng hulihan sa tuwing bago ang Chief PNP at nagkakaroon ng reshuffle ng mga kumander ay upang magpakilala at mailipat na sa kanila ang “timbre” ng gambling lords o illegal gambling operators. Mismo!

Kung seryoso si Chief PNP, General Rodolfo Azurin, Jr., sa kanyang kampanya sa illegal gambling, ang dapat na targetin niya ay ang mismong operators o gambling lords hindi yung mga nagpapataya lang, wala ang mga ito eh.

Tulad halimbawa sa Central Luzon partikular sa Pampanga, kilalang kilala ng mga opisyal ng PNP kung sino ang gambling lord dito, bakit hindi yan ang dakpin at ikulong nila?

Again, moro-moro lang ang operasyon ni Chief PNP Azurin sa illegal gambling. Ilang araw lang mula ngayon tiyak pista na naman ang mga iligal na sugal. Peks man! Kasi swak na sa tanggapan ng Chief PNP ang timbre. Tama ba ako, pareng Non? Hehehe…

***

Hirit ng Presidential Legal Chief ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., lusawin na ang 1987 Constitution at ibalik ang 1935 Constitution na 48 ang Senador.

Hindi na raw kasi angkop ngayon ang 24 Senador dahil mahigit 112 million na ang mga Pinoy. Puede!

Pero mas okey kung alisin narin ang district congressman at ipaubaya na sa mga gobernador at mayor ang developments ng probinsiya, bayan o lungsod. Malaking tipid ito sa gobyerno.

Say nyo, mga pare’t mare?