Advertisers
Kung titignan si Vice Mayor Marvin Yul Servo-Nieto, iisipin mong hindi ito gaanong seryoso at pangiti-ngiti lang.
Pero sa totoo lang, napakarami nitong karanasan at plano di lamang bilang Vice Mayor ng Maynila kungdi bilang Presiding Officer na din ng Manila City Council.
Napakaganda ng kanyang planong tapusin sa loob ng kanyang unang taon, na pagdi-digitalize na mga ordinansa at resolusyon ng konseho na umaabot ng 8,000 lahat.
Batay kasi sa kanyang karanasan sa Kongreso kung saan siya nagsilbi bilang Congressman ng ikatlong distrito ng Maynila at deputy majority floor leader, duon daw kapag nag-research ka sa internet, ita-type mo lang ang pangalan ng mambabatas lalabas na lahat ng nai-file nitong bill.
Kung minsan, ‘key words’ lamang o topic ng iyong hinahanap na dokumento ang ita-type at lalabas na lahat ng batas na may kinalaman doon.
Ganito rin ang gustong mangyari ni Vice Mayor Yul sa konseho ng Maynila kaya lumikha siya ng isang team para hawakan ang trabaho kung saan hahati-hatiin ang mga ordinansa sa 38 na komite na siyang susuri kung ang isang ordinansa ay dapat nang amyendahan o pawalang-bisa dahil di na napapanahon.
Aniya, ang mga ordinansa na lokal na batas pa rin hanggang ngayon ay mga naipasa noon pang 1908 at kabilang na diyan ang batas na dapat ay naka-barong ang mga lalaki at ang mga kababaihan naman ay nakabaro’t saya kapag mamamasyal sa Escolta.
“Nakakatuwa at malaking tulong sa mga kabataan o sinuman na nagre-research tungkol sa mga ordinansa o batas panglungsod kung ang mga records natin ay maisasalin sa digital format. Sa tulong ng internet, isang pindot mo lang o i-type mo lang ang code o author nung ordinance, lalabas na agad ito kung anong search engine ang ginagamit mo, tulad ng Google halimbawa,” ayon kay Vice Mayor Servo.
Malaking tulong ito, aniya, laluna sa mga mag-aaral na kapag nagpupunta ng konseho ay mano-mano ang ginagawang pagri-research.
Sa kasalukuyan din daw kasi, kapag may tinipa kang topic sa search engine gaya halimbawa ng ‘bike lane,’ ang lalabas ay regulasyon ng national government at wala sa panig ng lokal na pamahalaang-Maynila.
Malaking bagay din umano ang pagiging madali ng pagri-research para sa mga residente, barangay at pulisya ng Maynila, para magsilbing gabay nila sa kanilang araw-araw na gawain.
Pangarap din ni Servo na maging kagaya ng konseho ng Maynila ang Kongreso na tuwing session aniya ay napakahaba at napakataas ng pila ng mga papeles na pawang mga proposed bill.
‘Yan naman ay magiging depende kung masisipag ang mga konsehal sa ngayon o hindi. Abangan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.