Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
NASA Year 2 na ang ” Ano Sa Palagay N’yo” (ASPN), ang public service show na nagtatampok sa dalawang beteranang komentaristang sina Ali Sotto at Pat-P Daza.
Napapanahon ang mga isyung tinatalakay sa nasabing programa sa paglalahad nila ng kanilang makabuluhang komentaryo at pagsusuri sa mga mahahalagang pangyayari, isyu at personalidad sa bansa.
Ayon kina Ali at Pat, ang pagiging swak ng kanilang mga personalidad ang isa sa mga dahilan kaya nagwo-work ang kanilang chemistry.
“Magkapareho kasi kami ni Ali na babae. We’re both mothers. We’re both working mothers. We came from the same industry which is showbiz and maybe hindi nagkakalayo ang age namin. Walang generation gap. Pareho kaming feelennials. That’s my opinion. I don’t know about Ali, ” sey ni Pat-P.
“Ako kasi, I’m looking forward to work every morning. Sabi ko sa kanya, siya ang anti-aging ko. Kasi everyday we are marinated… babad na babad kami ng bad news. So talagang kami, iyong effort namin, naghahanap kami ng magagandang balita. There are days kasi na napakahirap na maghanap ng magagandang balita, “aniya.
“I just wake up excited every morning na kahit you don’t know what’s supposed to happen for the day na talagang iniaalay mo lang ang ginagawa mo para sa serbisyo sa bayan at sa Panginoon. Just knowing that I’m with Pat-P, tapos kahit ang bigat-bigat ng mga pinag-uusapan ay hahalakhak ka. Gusto ko iyon.
I love people who make me laugh because I love Pat-P,” ani Ali.
Sa tanong ko naman kung dumating na ba sila sa puntong nagbanggaan ang kanilang mga opinyon o nagbardagulan sila, anila, madalas daw ay nagkakasundo sila sa kanilang mga opinyon sa mga bagay-bagay.
“Hindi naman. Buti na lang, hindi pa. Wala naman. Si Ali mahilig lang siyang mag-ano, magtanong na I’m caught off guard pero siya ang madalas na nagugulat sa mga sagot ko. Akala kasi niya mara-rattle niya ako pero siya ang mara-rattle sa sagot ko, ” pahayag ni Pat-P.
” You can’t catch her off guard. Kung puwede nga lang minsan, bawiin ko iyong tanong ko, “hirit naman ni Ali
Sa programang ” Ano Sa Palagay N’yo? (ASPN) bukas ang linya ng komunikasyon para sa mga ahensiya ng gobyerno, non-government organizations at pribadong sektor upang makuha ang bawat anggulo at ihatid sa kanilang tagapakinig at manonood.
Sa kanilang ikalawang taon, ginagarantiyahan ng Team ASPN na patuloy nilang bibigyan ng tamang impormasyon ang mga manonood at tagapakinig sa magaan ngunit sa paraang nagbibigay-kaalaman.
Ang ASPN ay umaarangkada Lunes hanggang Biyernes alas otso ng umaga sa NET25.